HINDI lang minsan kundi laging ipinahihiya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) ang administrasyong Duterte dahil sa mga kapalpakang paulit-ulit.
Ipinagmamalaki ni LTFRB chief, Atty. Martin Delgra III na siya ay nasa ahensiya dahil isa siya mga trusted men ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung pinahahalagahan niya ang ipinamamarali niyang trusted man siya ni Pangulong Digong, e bakit ayaw niyang sundin ang ultimong utos na huwag patagalin ang mga transaksiyon sa tanggapan ng pamahalaan?!
Hanggang sa kasalukuyan, hindi nababawasan ang haba ng pila sa LTFRB. Araw-araw, iba’t ibang reklamo ang maririnig sa mga nagre-renew ng kanilang prankisa.
Tapos sasabihin niyang walang red tape sa LTFRB?
E bakit laging mahaba ang pila?!
Mayroon pang bagong rekesitos, kailangan daw sumailalim sa training and seminar ang mga driver ng bawat operators.
E kung hindi ba naman, ngas-u, ‘e ‘di ba’t hindi naman pirmis ang mga driver sa iisang operator?!
Dapat gawin ‘yan sa Land Transportation Office (LTO) kapag kumukuha ng lisensiya ang mga driver.
Ito namang LTO, tuloy-tuloy pa rin ang backlog. Hanggang ngayon, marami pa rin ang hindi makakuha ng mga lisensiya na naka-PVC.
Ilang taon na bang backlog ‘yan?!
Sana nama’y makahalata na ang Malacañang sa performance nitong sina Delgra at LTO chief, Assistant Secretary Edgar Galvante.
Hindi na po sila nakatutulong sa administrasyong Duterte.
Puwede bang…sipain na’yang si Delgra at Galvante?!
Palagay natin, iisa ang magiging sagot ng mga motorista — PATALSIKIN!
MMDA TRAFFIC ENFORCER
SA ROXAS BLVD., SOUTHBOUND,
BACLARAN AREA SUMISISTEMA
SA MOTORISTA
NAIS nating tawagin ang pansin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa traffic enforcer na si Marvic Garcia, diyan sa Roxas Blvd., southbound, Baclaran area.
Ang ‘sistema’ ni Garcia paparahin ang motorista. E ‘di siyempre titigil. Hindi niya lalapitan.
Natural kapag hindi siya lumapit, aandar na ulit ang motorista.
Doon na niya hahabulin ang motorista. Saka babasahan ng sandamakmak na violations.
Hindi lang minsan naireklamo ang MMDA traffic enforcer na ‘yan diyan sa Roxas Blvd., masuwerteng may nakakuha ng pangalan.
Paging MMDA general manager Jojo Garcia! Kaapelyido mo pa naman ‘yang traffic enforcer na ‘yan.
Wala ka bang kinalaman sa ‘sistema’ niyan?!
Pakibusisi lang po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap