NAHAHARAP sa isang reklamo ang kinatawan ng Ang Probinsyano Party-list bunsod ng pananapak sa isang waiter ng Biggs Diner sa Legazpi City.
Sa salaysay ni Christian Kent Alejo, 20 anyos, residente sa Legazpi City, noong 7 Hulyo 2019, dakong 3:40 am, sinuntok siya ng isang Alfred Delos Santos na kinilalang kinatawan ng Ang Probinsyano Party-list.
Ayon kay Alejo, hindi niya alam kung bakit sinuntok siya ni Delos Santos na, ayon sa kanya, nangangamoy alak.
Ayon kay Atty. Bart Rayco, maghahain sila ng kasong slight physical injuries sa korte at reklamo sa Ethics Committee ng Kamara sa pagbubukas nito sa 22 Hulyo.
Ani Alejo, inaayos niya ang placemat ng kongresista at mga kasama nito ng sabihan siya na masama siyang makatingin.
Nagreklamo umano ang kongresista patungkol sa paghingi ng tubig ng kanyang kasama.
“Nata maraoton ka makailing (Bakit ang sama mong makatingin),” ang sabi ng kongresista kay Alejo.
Tinawag, aniya siya, ni Delos Santos, at nang bumalik sa mesa ng kongresista, agad siyang sinuntok.
Nailagan, umano niya ang suntok na umabot lamang sa kanyang ulo.
Aniya, marami ng nag-aalok sa kanya ng areglo.
“Pero ayaw ko,” ani Alejo.
Si Delos Santos, ang pangunahing nominee ng Ang Probinsyano, ayon sa mga sources, ay kaalyado ni Rep. Joey Salceda ng 2nd District ng Albay.
ni Gerry Baldo