Wednesday , December 25 2024

Payo ng mga nanay ng Otso Diretso sa kapwa ina: Iboto ang maninindigan vs pagbabanta at bullying

HINDI nakaranas ng birthday party si Pilo Hilbay noong kabataan niya. Sabi ng kaniyang inang si Nanay Lydia, malimit si­yang pasaringan ng kani­lang mga kapitbahay sa Tondo na Ilokano umano kasi sila kaya hindi niya maipaghanda si anak. Hindi nila alam na wala lang talaga silang sapat na salapi para sa luhong ito.

Malimit paluin ng kani­yang ina si Samira Gutoc habang tinuturuan siyang magbasa. Sabi ng kanyang inang si Nanay Tomasina, maa­aring ang pagsisikap niyang makatapos si Samira ang dahilan kung bakit walang siyang inuurungan sa kahit anong debate.

Sama-samang dumalo nitong Biyernes ang mga ina nina Hilbay at Gutoc, upang maagang ipagdiwang ang Araw ng mga Ina kasama ang mga nanay nina Gary Alejano, Bam Aquino, Erin Tañada, at Mar Roxas.

Kabilang din sa pagdiri­wang ang nakatatandang kapatid ni Chel Diokno, at ang asawa ni Romy Maca­lintal.

Tatlong araw bago ang halalan at dalawang araw bago ang Mothers Day, bitbit ang kanilang mga ‘baby pictures,’ isinalayasay ng mga ina at ng mga ‘mother figures’ ng mga kandidato ng Otso Diretso ang mga nakaaantig at mga nakatu­tuwa nilang kuwento sa kanilang “last two minutes” na pangangampanya para maihalal sa Senado.

Salaysay ng Ate ni Chel Diokno na si Mench, 11 anyos pa lang si Chel nang bumaligtad ang kanilang mundo dahil sa pagde­deklara ng Batas Militar. Kuwento niya, kaya naging “abogado ng mga inaapi” si Chen ay nag-ugat nang masaksihan niya ang pagka­kadakip at pagkakakulong sa kanilang amang si Senator Jose “Pepe” Diokno, kahit walang kaso.

Gaya ni Mench, may katulad ding mga kuwento ang ina ni Erin Tañada na si Nanay Zeny at ang ina ni Bam Aquino na si Nanay Melanie, kung paano sila lumaban para sa bayan noong nababalot ng kadili­man ng Martial Law ang bansa.

Dagdag na kuwento ni Nanay Zeny, bagaman ipinagmamalaki niya ang anak sa pagiging aktibistang estudyante nito, hindi maiaalis sa kaniya ang mag-alala dahil hindi na ordinar­yong teenager si Erin Tañada noong panahong iyon.

Gayondin ang kaniyang pag-aalala ngayon dahil sa mga pahayag at mga banta ng kasalukuyang mga lider kontra sa partidong kinaa­niban ng anak. “Sana may tumayo at magsalita. Alam natin nandiyan sina Senator Kiko (Pangilinan) pero hindi kaya ng iilan lamang. Sana sila ang maging majority sa ating Senado. Sana ang ating Senado, magkaroon ng totoong boses,” pahayag ni Nanay Zeny Tañada.

Si Senador Pangilinan ang pangulo ng Liberal Party na kaalyado ang mga Tañada noon pa man.

Aniya, ipinakikita lang sa publiko ng tiket ng Otso Diretso na mayroon pang pag-asa, na mayroon pang mga indibidwal na may kakayahan at may kagus­tuhang protektahan ang bansa at mga mamamayan nito mula sa mga abusado sa kapangyarihan.

“Kaya ang panawagan naming mga nanay sa kapwa nanay, sabihin natin sa ating mga kapamilya, sa ating mga anak, na pagtulung-tulungan natin na ang ating Otso Diretso ay dapat mailagay sa Senado,” dagdag ni Gng. Tañada.

Ikinuwento ni Gng. Aquino na bagaman si Bam ang pinakabata sa kaniyang mga anak, siya ang pinaka­maaasahan sa lahat ng bagay at pagkakataon.

“Ako nang bahala,” ang kadalasang sagot umano ni Bam sa mga pakiusap niya.

Nagsimula si Bam sa kanyang public speaking career sa edad na 6-anyos nang maging stand-in para sa kaniyang amang si Paul Aquino sa isang political rally sa Laguna.

Nauna siyang nagtra­baho bilang social entre­preneur upang makatulong sa mga kapwa Filipino, ngunit nagdesisyong tumak­bo sa Senado noong 2013 upang ang tulong na nais niyang itawid sa mas nakararaming Filipino at maibigay nang mas mabilis.

“Akala ko tapos na ang house-to-house, pero huling hirit na ito, mukhang last two minutes. Sa mga kapwa nanay, congra­tulations. Alam natin ang mga nanay nagsasa­kripi­syo, gagawin at gagawin para tulungan ang anak,” ang turan ni Gng. Aquino bilang pangangampanya para sa kanyang anak at para sa buong tiket ng Otso Diretso.

Ulila na si Romy Maca­lintal sa ina ngunit naaalala pa ng kanyang asawang si Mila kung paano itinuro sa kanyang mga anak ng kanyang biyenang babae ang kahalagahan ng pagsisikap. Ayon sa kanya, ibinibi­gay nang buo ni Romy ang kaniyang suweldo sa kanyang ina noon, at ngayon sa kanya naman bilang asawa nito.

 

About hataw tabloid

Check Also

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Manila Honey Lacuna Yul Servo Nieto

Mayor Honey, VM Yul, Asenso Manileño Team namahagi ng Christmas gift boxes para sa Senior Citizens ng Maynila

NAMAHAGI ng Christmas gift boxes sina Mayor Honey Lacuna – Pangan, Vice Mayor Yul Servo …

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *