MISTULANG sumuko na sa laban sa 13 May0 2019 midterm elections si reelectionist Senator JV Ejercito matapos niyang iasa sa milagro ang kandidatura sa pagka-senador.
Sa twitter post kahapon ni JV, isang makahulugang kataga ang kanyang binitiwan na nagdulot ng alinlangan sa kanyang mga tagasuporta.
“I would need a miracle to win a seat back,” bahagi ng post sa Twitter ni Ejercito.
Pinayuhan naman ng kapwa reelectionist na si Sonny Angara si Ejercito sa kanyang pinagdaraaan.
Sabi ni Angara, isa si JV sa masisipag na kasamahan niya at nakikipag-ugnayan sa mga eksperto para makapagbuo ng isang matinong batas.
“Huwag kang mapagod these next few days brother. Finish strong!” ani Angara.
Dahil sa binitiwang mga kataga ni JV ay ilang netizen ang nadesmaya at tinawag siyang uto-uto kaya hindi dapat maluklok muli sa Senado.
Ginawa ni Ejercito ang hugot bunsod ng patuloy niyang pangungulelat sa mga survey sa senatoriable at ang pinakahuli, hindi siya inendoso ng makapangyarihang religious group na Iglesia Ni Cristo (INC).
Matatandaang inilabas ng INC ang talaan ng kanilang mga sinusuportahan sa Senado pero etsa-puwera si Ejercito.
Kabilang sa mga sinuportahan ng INC ang mga kapwa reelectionist ni Ejercito sa Senado na sina Sen. Cynthia Villar, Sonny Angara, Nancy Binay at Grace Poe.
Kasama rin sa listahan ang Hugpong ng Pagbabago bets na sina Taguig City Rep. Pia Cayetano, ex-Sens. Jose “Jinggoy” Estrada at Ramon “Bong” Revilla, Jr., ex-SAP Christopher “Bong” Go, ex-Presidential adviser on political affairs Francis Tolentino, ex- Philippine National Police (PNP) chief Ronald “Bato” dela Rosa at independent candidate na si dating Sen. Lito Lapid.
Bukod sa kawalan ng endorsement ng INC, pinaniniwalaang nakapagpahina sa kandidatura ni JV ang away nila ng kapatid sa ama na si Jinggoy na lumalabas na mas maangas siya dahil sa mga patamang binibitiwan sa kadugo.
Tinalikuran din ng amang si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang kandidatura ng anak na si JV na lantarang sumusuporta sa nagbabalik sa Senado na isa pang anak na si Jinggoy.
Nagbigay din ng reaksyon si Senador Win Gatchalian patungkol sa epekto ng endoso ng INC sa kandidatura ng mga tumatakbo sa Senado.
Sabi ni Gatchalian, tinatayang nasa tatlo hanggang apat na milyon umano ang botong masusungkit ng isang kandidatong inendoso ng INC kaya malaking bagay ito para masiguro ang panalo ng isang tumatakbong Senador.
Si Gatchalian ay binitbit ng INC nang tumakbo sa Senado noong 2016 election kaya tumatag siya sa magic 12.