ALL-IN na ang walong kandidato ng Otso Diretso sa panliligaw sa mga botante sa Cebu, dito sila muling nakompleto sa gitna ng pangangampanya pa-Senado.
Muling nakitang magkakasama nitong Linggo sina Senator Bam Aquino, Magdalo Rep. Gary Alejano, dating senador Mar Roxas, dating congressman Erin Tañada, dating solicitor general Pilo Hilbay, dating ARMM assemblywoman Samira Gutoc, election lawyer na si Romy Macalintal, at ang respetadong human rights lawyer na si Chel Diokno, nang makiisa sila sa mga batayang sektor sa paglulunsad ng Ahon Laylayan Koalisyon sa Plaza Independencia sa Cebu City.
Sa okasyong ito, nabigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na marinig ang mga agenda na itinutulak ng mga sektor.
Pumirma rin sila sa isang kasunduan, na nagpapatibay sa kanilang adhikain na itulak ang kapakanan ng mga nangangailangan kapag sila ay nanalo sa Senado.
Dahil sa mga pagsubok sa kampanya, gaya ng kakulangan ng pondo at campaign materials, kadalasan ay hiwa-hiwalay ang walong kandidato ng Otso Diretso sa pangangampanya, upang mas maraming lugar ang maabot nila sa Filipinas.
Aktibo rin sa pangangampanya para sa Otso Diretso si Vice President Leni Robredo, na nakaikot na sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang ipahayag ang kaniyang suporta at paghanga sa walong kandidato.
Ayon sa Bise Presidente, bagamat unti-unti pa lang nakikilala ang karamihan sa mga kanidato ng Otso Diretso, sila ay matatagal nang lingkod-bayan na napatunayang maaasahan, tapat, at mahusay.
Natutuwa rin siya na marami sa mga ordinaryong mamamayan ang kasamang naninindigan para sa Otso Diretso, sa pamamagitan ng aktibong pangangampanya.
“Napaka-active din ng supporters natin sa Cebu. Tinitingnan ko sa Facebook, parati silang nagpo-post. Talagang on their own, nagpapa-print sila ng campaign collaterals, gumagastos talaga sila sa pag-iikot, nagka-caravan sila sa buong — hindi lang sa city, pero sa buong probinsiya ng Cebu. Kapag nakita natin iyong collaterals, iyong mga walang pampagawa, talagang sulat-kamay,” aniya. “Nakaka-touch na hindi nagiging hadlang iyong kawalan ng resources.”
Ang Ahon Laylayan Koalisyon ay proyekto ng opisina ni Vice President Leni Robredo, na naglalayong pagkaisahin ang mga batayang sektor upang palakasin ang kanilang boses at makuha ang atensiyon ng pamahalaan sa kanilang pangangailangan.
HATAW News Team