NANAWAGAN ang broadcast journalist at kandidato para sa Senado na si Jiggy Manicad na kailangan ng bagong dugo sa Senado upang magpatupad ng mga makabagong ideya at malikhaing solusyong tutugon sa mga problema ng bansa.
Si Manicad, isang batikang mamamahayag na ngayon lamang sumabak sa politika, ay partikular na nagsusulong ng agarang reporma sa sektor ng agrikultura at sa mga kasunduang magpapabuti ng trato sa oversesas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Dahil marami sa kanyang mga kapwa kandidato ay nakapagserbisyo na sa Senado, naniniwala si Manicad na kailangan din ng mga bagong mukha upang i-”complement” ang karanasan ng mga beteranong mambabatas.
“The Senate needs new blood, fresh ideas and the political will to institute reforms,” pahayag ni Manicad na isa sa mga pinakabatang kandidato para sa Senado sa darating na halalan.
Kabilang sa mga repormang kanyang isinusulong ang pagpaparami ng mga “Bagsakan Center,” pagsasagawa ng mas maraming farm-to-market roads, paggamit ng bagong teknolohiya upang palakasin ang produksyon sa agrikultura, at pagtatalaga ng mas maraming eksperto at siyentipiko sa Department of Agriculture (DA).
Ang Bagsakan Center ay isang bilihan para sa ani mula sa mga sakahan na pinatatakbo ng mga magsasaka mismo upang hindi na dumaan ang kanilang mga produkto sa mga middleman.
Isa pang prayoridad na sinusulong ni Manicad ang pagwawakas sa kafala system ng ibang mga bansa sa Middle East na marami ang OFWs.
Sa ilalim ng nasabing sistema, ang bawat migranteng empleyado ay magkakaroon ng “sponsor” sa bansang pupuntahan bago pa man dumating doon.
Ang ‘sponsor’ ay maaaring tao o kompanya.