POSIBLENG magtapat muli sa ibabaw ng lona sa ikalawang pagkakataon ang mahigpit na magkaribal na sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Ito ay ayon kay Mayweather mismo na hinamon si Pacquiao sa isang rematch sa darating na Disyembre matapos ang kanilang personal na pagkikita sa Tokyo, Japan kamakalawa.
“I’m coming to fight Manny Pacquiao this year, another 9-figure pay day on the way,” anang Amerikanong boksingero sa instagram post sa kanyang opisyal na social media account.
Bagamat hindi pa opisyal at wala pang kompletong detalye, walang inaasahang magiging balakid sa ikinakasang rematch ng dalawa.
Ito ay dahil nasa ilalim si Mayweather ng kanyang sariling promotion habang wala na sa Top Rank at free agent ngayon si Pacquiao.
Magugunitang unang naglaban ang dalawa noong 2015 sa tinaguriang “Fight of the Century” na tumabo nang makasaysayang 4.6 milyong pay-per-views.
Nanalo si Mayweather sa pamamagitan ng unanimous decision nang magdahilan nga si Pacquiao na sumalang siya sa laban na may iniindang shoulder injury.
Umaasa si Mayweather na wala nang magiging dahilan ngayon sa pagitan ng dalawa sa binabansagang pinakamagaling na mandirigma ng kasaysayan.
Dalawang beses lumaban ang 41-anyos na si Mayweather matapos ang sagupaan nila ni Pacquiao na parehong nagresulta sa panalo kontra kay Andre Berto noong 2015 at Conor McGrego noong 2017 bago nga nagretiro na may malinis na 50 panalo, walang talo at 27 knockouts.
Sa kabilang banda, kagagaling ni Pacquiao (60W-7L-2D-39KO) sa panalo kontra kay Lucas Matthysse ng Argentina nitong nakaraang Hulyo upang maagaw ang WBA welterweight championship.
ni John Bryan Ulanday