HINDI ang katatapos na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang pinag-usapan…
Mas pinag-usapan ang ‘kudeta’ ni dating pangulo at ngayon ay congresswoman Gloria Macapagal Arroyo laban kay Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez para sa liderato sa Kamara.
Kahapon ay opisyal na itinalaga si Madam GMA bilang bagong Speaker of the House matapos tadyakan si Alvarez.
Dalawang makapangyarihang bebot (Hindi si Bebot Alvarez) umano ang nasa likod ng tagumpay ng kudeta ni GMA.
Tipong two women’s heads is better than ‘two-headed man.’
Ang tanging nagawang depensa ng kampo ni Alvarez ay itago ang Mace at patayin ang audio speaker, maliban doon wala na.
Tameme ang puwersa ng nag-iisang lalaking Bebot, hindi ng dalawang makapangyarihang bebot.
Pero hindi pala ito nagustuhan ng Pangulo.
Sa totoo lang, muntik nga raw mag-walkout si Tatay Digong sa holding room ng Kamara.
Ito ay dahil sa nangyaring delay sa kaniyang SONA dahil nga sa kudeta sa liderato ng Mababang Kapulungan.
Ibinunyag ito ni Senate President Tito Sotto. Talagang hindi raw itinago ni Pangulong Duterte ang naramdamang inis dahil sa nangyaring delay at siyempre tahasang pag-agaw sa eksena na dapat ay siya ang bida.
“Yes. He made the threat to that effect. Mag-walkout talaga ako ‘pag hindi n’yo talaga inayos ‘yan,” kuwento ni Senator Sotto.
Bakit nga naman ginawa ang ganoon sa kanyang ika-tatlong SONA, ‘e ang daming araw para gawin ‘yan?!
May pustahan bang naganap at kailangang madaliin gayong hawak na nila ang bilang?!
Sabi nga ni Tito Sen, may mas mabuting paraan na maaaring gawin ang Kamara kung nais nilang palitan ang kanilang lider.
At hindi umano maganda na puwersahan ang paglilipat ng liderato dahil maaari naman itong gawin kahit anong oras naisin ng mga mambabatas basta’t nasa loob ng isang duly constituted plenary session.
Kamakalawa ng gabi, pormal na idineklara si Arroyo bilang bagong House Speaker sa botong 184 affirmative at 12 abstentions.
Tanong lang, hindi ba makukuha ni Arroyo ‘yan kung hindi isasabay sa SONA ni Tatay Digong?!
Ang nangyari tuloy, parang multong nagbabangon ngayon ang mga lumang isyung nakakabit sa pangalan ni Mrs. Arroyo.
Makatulong kaya ito sa pagsusulong ng federalismo?!
Abangan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap