IBINISTO kamakailan ng isang transport group ang sinabing isang ‘sindikato’ na nagtutulak sa planong patayin ang operasyon sa bansa ng ride-hailing app company na Grab.
‘Kill Grab’ plot ang misyon ng grupo na binubuo ng isang mambabatas, isang opisyal ng ahensiya sa ilalim ng Transport Department at mga bagong Transport Network Companies (TNCs), ayon sa transport umbrella group na Modern Basic Transport of the Philippines (MBTOP).
Kabilang sa MBTOP ang libo-libong TNC driver/partner na napipintong mawalan ng hanapbuhay dahil sa sinasabing ‘Kill Grab’ plot.
Sinabi ni MBTOP president Gohan Nuguid na layunin ng sindikato na lumpuhin ang Grab sa bansa upang makinabang ang negosyo ng mga papasok na bagong TNCs gayondin ang political at professional ‘career’ ng politiko at ng Transport official na sangkot sa maitim na plano.
“They have common denominators. One is that they all want to paralyze Grab operations. Second is that they all hail from Davao. Another is that they all want to achieve their goals at our expense,” paliwanag ni Nuguid.
Hindi naman pinangalanan ni Nuguid ang mga sangkot sa ‘Kill Grab” plot sa takot na resbakan siya ng mga makapangyarihang personalidad sa likod nito.
Pero aniya, “hindi naman mahirap matukoy ang plotters ng ‘Kill Grab” dahil malinaw pa sa sikat ng araw kung sino-sino ang nagtutulong-tulong upang katayin ang kompanya na nagbibigay sa kanila ng hanapbuhay.
“Tulad na lang ‘yung isang mambabatas na hindi gaanong kilala kaya nagpapasikat kahit pa alam niya na may mga magugutom na pamilya dahil sa ginagawa niya,” dagdag ni Nuguid.
Kailan lang ay pinangunahan ni Pwersang Bayaning Atleta (PBA) Partyalist Rep. Jericho ‘Koko’ Nograles ang walang humpay na pagbatikos sa Grab Philippines.
Kasabay nito, pinukpok din ng Land Trans-port Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pinamumunuan ni Martin Delgra ang Grab Phils., bunsod ng pag-atake ni Nograles.
Ipinoproseso rin ng LTFRB ang aplikasyon para sa license to operate ng mga bagong TNCs tulad ng Owto at Golag.
Tulad ni Nograles at Delgra na mga Davaoeño, pinaniniwalaan na ang mga bagong TNCs sa pangunguna ng Hirna ay pawang galing sa Davao.
Mawiwindang ang mga negosyo at mababaon sa utang ang libo-libong driver/partner na tumaya sa Grab at Uber at tuluyang magugutom ang kanilang mga pamilya sa oras na magtagumpay ang ‘Kill Grab’ plot, ayon naman kay Michael Pido, admin executive ng MBTOP.
“Sana po maisip nila sa bawat paghihigpit at pagtira nila sa Grab. Kaming mga driver ang nasasaktan at nahihirapan. Sana maisip nila na mas marami kaming napapahirapan sa sobrang baba ng fare kaysa iilan lang na rider na nagrereklamo sa fare. Sana kahit isang araw subukan nila magbiyahe para maranasan nila ang sumabak sa sobrang traffic para sa kakapiranggot lang na fare. At sana pagtuunan nila ang paggawa ng tamang batas na dapat sundin. Saka nila punahin at pagmultahin ang mga TNC’s kapag hindi sumunod,” ani Pido.
Samantala, napipintong umaray ang publiko na umaasa sa serbisyo ng Grab kapag natigil ang operasyon nito sa bansa.
HATAW News Team