MARAMI na ang naghahanap ng barangay narco-list na sinabi kamakailan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na kanilang ilalabas sa publiko.
Ang siste, nagsimula na’t lahat ang Barangay and Sangguniang Kabataan (BSK) elections pero wala namang naglabas ng listahan.
Nasaan ang barangay narco-list na sinabing ilalantad para maging gabay ng constituents sa kanilang pagboto?
Kaya hanggang ngayon, nagtatanong ang mga tao. Sino ang maglalabas, ano ang hitsura ng opisyal na listahan, at ang ilalabas bang listahan ay convicted na notorious sa ilegal na droga?!
Kung hindi naman convicted, ano ang magiging basehan?!
Hindi ba puwedeng magsampa ng kaso ang inilagay sa listahan kung wala naman silang conviction?!
O hindi kaya gamitin ng magkalaban sa kanilang kampanya ang paninira na sangkot sa ilegal na droga si kandidatong ganoon at si kandidatong ganito?
Tila lalong naging masalimuot ang pronouncement na gaya nito kaya lalong nagkakagulo sa hanay ng mga kandidato.
Sa local constituents, ang masasabi natin, kilala ninyo kung sino ang mga sangkot sa ilegal na droga kaya huwag kayong magpadala sa panunuhol nila ng kuwarta.
Iboto ninyo ang mga karapat-dapat at ibasura ang mga sangkot sa ilegal na droga.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap