SABI ni Senator Sherwin Gatchalian, inubos ng social media bashers ang kanyang pasensiya kaya na-provoke siya at unfortunately ‘bumigay’ kaya nakapagbitiw ng mga mura ‘este salitang sabi nga ‘e inappropriate sa isang mambabatas na gaya niya.
Hinaing ng Senador, “First, these are trolls. They have been provoking me since before the campaign. They’re designed to demean you to bring out the worst in a person.”
‘Yun lang!
E klaro naman pala sa kanya kung ano ang layunin ng mga basher, bakit pinatulan pa niya?!
Pasintabi, hindi naman tayo anti o pro-Sherwin Gatchalian.
Ang gusto nating punahin dito ang napaka-abusadong paggamit sa social media ng mga basher.
Sa totoo lang, ‘yang mga mahilig mang-bash hindi naman maipakita ang kanilang tunay na identity.
Karamihan sa kanila nagtatago sa ibang karakter at pangalan pero kung makapang-bash wagas!
Hindi makatutulong sa ating pamahalaan at sa buong lipunan sa kabuuan kung hindi maipaaabot sa kinauukulan ang tunay na isyu.
Sabi nga, wala nang tatalas pa sa matabil na dila. Kapag nakapaghayag ng ‘nakasusugat’ na salita at nakasakit, mahirap na itong bawiin pa.
Sa insidenteng ito, walang panalo sino man kina Senador Gatchalian at sa kanyang bashers.
Sa ganang atin, walang lulutasin ang ano mang diskursong bastos. Wala itong ituturo sa magkabilang panig at lalong walang aral na makukuha ang mga kabataan.
Ang mga isyung panlipunan ay dapat na nilulutas pagkatapos ng debate at diskurso. Hindi ‘yung kapag natalo ang mga argumento nila ay biglang maghahagkisan ng matatalas na salita.
Huling payo, huwag tumipa ng letra para sa social media kung wala sa wisyo at mainit ang ulo.
‘Yun lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap