AKALA natin lipas na ang ganitong klase ng kamanyakan sa mga tanggapan at ahensiya ng pamahalaan.
Hindi pa pala…
May remnant pa pala ang ‘old style’ na kamanyakan diyan sa Land Transportation Franchising and regulatory Board (LTFRB).
Apat na empleyadong babae na pawang nasa kabataan pa ang hanggang sa kasalukuyan ay hindi na malimutan ang ‘trauma’ na narasanan nila sa isang opisyal.
Ayon sa isang biktima, ipinatawag daw siya sa opisina ni LTFRB official.
Pagdating niya roon, sinabihan siya, “Umikot ka nga.” Umikot naman ang bata. Tapos ang sabi umano, “Mas maganda siguro kung naka-bikini ka.”
Sagot ng batang empleyada: “Hindi po ako nagbi-bikini.”
Sabin ng manyakol na opisyal, hindi raw puwede kasi isasama siya sa Boracay para sa isang conference na gagawin doon.
Ayaw man ay wala na umanong nagawa ang empleyada kundi ang sumama sa Boracay sa nasabing opisyal.
Heto na, nagkasabay sila sa lobby ng hotel. Nang makita siya ng opisyal, agad siyang inakbayan, sabay kabig tapos ‘yung kamay humagod sa likod ng batang empleyada papunta malapit sa kanyang buttocks.
Sonabagan!
Siyempre nagitla ‘yung batang empleyada sa bilis ng pangyayari kaya ang nagawa lang niya ay magtatakbo palabas at umiyak nang umiyak.
Nangangatog pa siya sa takot nang magsumbong sa isang admin officer at sa iba pang girls pero wala silang magawa.
Sobrang helpless ng mga biktima.
Opisyal ‘e!
‘Yung isang kaso naman, 20 anyos na job order (JO) employee. Maaga siyang pumapasok. Hindi niya alam, maaga rin pumasok ang manyakol na opisyal na parang ‘yung buhong na karakter ng nasirang artistang Martin Marfil sa pelikula.
Pinapunta siya sa pantry, akala no’ng empleyada magpapagawa ng kape. Pinalapit pa siya sa opisyal, tapos sabi daw, “Hindi pantay ang T-shirt mo,” sabay lilis saka hinawakan ang tagiliran niya.
At sabi, “Mas maputi pala rito sa loob.”
Takot na takot na tumakbo sa labas ang batang empleyada. Nginig sa takot na umiyak sa comfort room.
‘Yung dalawa pang biktima, hindi nila maikuwento kung ano ang ginawa sa kanila. Parang hiyang-hiya o kaya ay hindi nila masikmura na ikuwento pa sa iba ang kababuyan ng manyak na opisyal.
Basta ang ginagawa nila ngayon kapag nakikita ang opisyal na kung tawagin nila ay ‘Butiking Manyak’ umiiwas na agad sila.
Aba, LTFRB chief, Martin Delgra III, Sir, mukhang maraming nabibiktima ang ‘Butiking Manyak’ sa mga batang-batang empleyada ninyo.
Kilala mo ba ‘yang ‘Butiking Manyak’ na ‘yan, LTFRB Chairman?!
Aba’y ‘yan ang dapat kalusin agad ng ating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte!
Corrupt na manyakol pa!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap