HANGGANG sa kasalukuyan, hindi pa rin masagot-sagot ng Quezon City Fire Division na pinamumunuan ni S/Supt. Manuel M. Manuel alyas Triple M kung bakit nasunog ang warehouse ng Albri’s Food Philippines, Inc., sa California Village sa San Bartolome, Novaliches, Quezon City.
At ‘yun ang hindi natin maintindihan kung magkano ‘este ano ang dahilan?!
Gusto tuloy natin tanungin, ‘yan bang alcohol na nasunog ay imported o local?
Mayroon daw kasing nakuhang imported isotainers sa mga nakitang labi ng sunog.
At kung imported ang mga alcohol na ‘yan, nagbabayad ba sila ng tamang excise, ad valorem, VAT at iba pang uri ng buwis?!
Sigurado ba ang Albri’s na hindi mali ang deklarasyon nila sa Bureau of Customs (BoC)?!
Kung hindi imported ang ginagamit nilang alcohol, kanino o saang distillery sila umaangkat?
Anong alcohol ba ‘yan? Denatured alcohol ba ‘yan? Bakit may nakuhang drums ng alcohol sa nasunog na warehouse?
Pinapayagan ba ang repacking ng denatured alcohol?
At gaya ng tanong natin, nagre-repack ba ang Albri’s Food Philippines Inc., base sa isinasaad ng kanilang company profile sa lugar na kinaganapan ng sunog?
Kung nagre-repack ang Albri’s, hindi ba nakita nina Kernel Triple M, na mayroong malaking paglabag ang nasabing establisyemento?!
Itinatakda ng batas na ang ganitong mga pagpoproseo ay dapat na ginagawa sa isang distillery plant na nasa ilalim ng kondukta at sinasaksihan ng Revenue Officer On-Premise (ROOP) na nakatalaga sa tinukoy na planta.
Kailangang saksihan ito ng ROOP dahil ang lahat ng pagbili ng denatured alcohol mula sa source o supplier na distillery plant ay kinakailangang sinusuportahan ng Excise Tax Removal Declaration (ETRD).
Sa pagkakataon na ang volume ng biniling denatured alcohol na natanggap mula sa distillery ay labis o kulang sa volume na nakatala sa mga dokumento, ito ay muling tatasahin upang maitakda ang tamang multa o dapat bayaran.
Kaya ang tanong, ang warehouse ba na ginagamit ng Albri’s Food Philippines Inc., sa California Village ay ginagamit din ba nilang distillery plant?!
Quezon City Business Permits and Licensing Office chief, Gary Domingo, sir, huwag pakaang-kaang sa kaso ng Albri’s?!
QC BPLO chief, Gary Domingo ang higpit ninyo sa maliliit na negosyanteng tumatalima sa batas, pero sa mga kagaya ng Albri’s, bulag kayo?!
Magkano ‘este anong dahilan?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap