PARA kay Vice President Leni Robrerdo, kaligtasan ng mga paslit na mag-aaral ang importante lalo na ‘yung mga nabakunahan ng Dengvaxia.
Hindi lang sila iilan, marami sila. At kahit na sabihing 1:10 lang ang ratio niyan, mayroong isa na magpapasan ng kapalpakan ng nakaraang administrasyon na nagkataong mga kasama niya sa Liberal Party.
At hindi lang ‘yan.
Sinabi ni VP Leni na lahat ng sumalaula sa immunization program ng pamahalaan ay dapat panagutin!
Mukhang sa puntong ito ay iisa ang pananaw nila ng Palasyo at ng Department of Justice, panagutin ang mga nagsabwatan para madaliin ang deal sa Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, inatasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan kung sino ang government officials na dapat managot ang mga nag-aproba para bilhin ang Dengvaxia vaccine ng French pharmaceutical company na Sanofi Pasteur.
Sabi ni VP Leni: “This should be seriously studied and those who should be held accountable must be held accountable.”
Buhay ng mga batang mag-aaral ang nakasalalay dito kaya dapat managot ang mga nagpakana at pasimuno ng proyektong ito.
Kasangga mo kami riyan, Madam Vice President!
Sa P3.5-B Dengvaxia scam
THERE’S A JOKE
BUT NOT REALLY?!
ISANG joke ang nabasa ko kamakailan…
Corny pero ganitong-ganito ang bumulaga sa sambayanang Filipino nang mabuyangyang ang P3.5 bilyong Dengvaxia scam — o ‘yung sakuna ‘este bakuna na sinasabing aaresto sa virus na dala ng lamok na pinagmumulan ng dengue.
Ganito po ang joke: Isang nanay ang tumawag sa 911 at sinabing nakakain ng langgam ang kanyang 3-year old baby son. Sabi ng 911: “Okey lang po ‘yan, painumin ng tubig para mailabas niya agad ‘yung langgam.” Pero sabi ng nanay: “Binigyan ko siya at pinainom ng pesticide para mamatay agad ang langgam.” Doon nataranta ang 911 at sinabi sa nanay: “Papunta na kami riyan at dadalhin natin sa ospital ang anak ninyo!”
Joke ‘yan, medyo corny pa, pero ganyan po natin mailalarawan ang nagaganap ngayon na ‘scam’ sa DENGVAXIA vaccine na produkto ng kompanyang Sanofi bilang proteksiyon daw laban sa dengue virus.
Ang Dengvaxia vaccine ang libreng bakuna na ipinasaksak ng Department of Health (DoH) sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.
Wala naman daw pilitan. Kung ayaw daw ng magulang at ng anak hindi raw pipilitin.
Sa madaling sabi, ayon mismo sa datos ng DoH, umabot sa 733,713 ang mga nabakunahan ng Dengvaxia.
At nasa ganitong bilang ang DoH nang biglang magsalita ang Sanofi at sinabing sa kanilang mga pag-aaral ngayon, lumabas na ang nabakunahan ng Dengvaxia ay maaari pa rin magkaroon ng Dengue.
Wattfak!?
Ibig sabihin hindi garantiya na ligtas na sa Dengue kapag nabakunahan ng Dengvaxia.
Araykupo!
P3.5 bilyones ang pinakawalan ng nakaraang gobyerno para sa bakuna na ‘yan, pero ang lumalabas ay ‘naholdap’ ang sambayanang Filipino?!
Sonabagan!!
Inihayag kamakalawa ni Spokesperson Harry Roque: “We will leave no stone unturned in making those responsible for this shameless public health scam which puts hundreds of thousands of young lives at risk accountable.”
Pero ang nakaiinis dito, ito ‘yung sinabing minadaling project nina dating Pangulong Benigno Aquino III at dating Health Secretary Janet Garin — ang pagbili sa P3.5 bilyong halaga ng Dengvaxia vaccine mula sa kompanyang Sanofi noong Enero 2016 kahit hindi pa ito aprobado ng World Health Organization.
Petmalu!
Sa ngalan ng pinuno, ng bulsa, at lifetime perks and priveleges mula sa Sanofi, minadali ang implementasyon ng Dengvaxia vaccine?!
Ngunit mayroon pang isang pero rito, bakit noong inilalarga ang bakunahan, hindi nagsalita ang Sanofi? Bakit hinintay muna nilang mailarga sa 733,713 katao na karamihan ay mga paslit na mag-aaral ang P3.5 bakunang Dengvaxia bago sila nagpahayag ng resulta ng kanilang pag-aaral?!
At sino ang ginawa nilang guinea pigs sa kanilang bagong pag-aaral? Ang 733,713 naunang nabakunahan mula sa National Capitol Region, Region III at Region IV-A?
Kaya ba nasasabi na nila ngayon kung ano ang epekto nito sa mga nabakunahan? Ayon umano sa kanilang pag-aaral at pananaliksik?
At sino-sino ang tongpats at kumita sa multi-billion deal na ito na ang ginamit na eksperimento ay mga paslit na mag-aaral natin?
Ang DoH na dapat sana’y nangangalaga sa kalusugan at kaligtasan ng mamamayan lalo ng mga kabataan e nagiging instrumento pa para mapagsamantalahan ang sambayanan.
Naniniwala tayo sa salita ni Presidential Spokesperson na paiimbestigahan at ipasusudsod ng Palasyo kung ano ang nasa likod ng deal na ‘yan.
Kahit na nga nagsabi na si Presidential Spokesperson Roque na inilinaw umano ng Sanofi na 1:10 ang ratio ng mga nabakunahan na pero puwede pa raw madapuan ng Dengue.
Pero hindi raw nakamamatay na Dengue kundi ‘yung lalagnatin lang umano at magkakapasa ang pasyente.
(By the way Sec. Roque, subukan mo kayang magpabakuna nito gaya ng ginawa mong pagsakay sa MRT?)
Ang pangamba natin rito, noong una nga sinabi ng government officials — ng dating Pangulo (Noynoy), ng dating DoH Secretary na si Jannette Loreto Garin at ng Department of Education (DepEd) officials na safe umano ang Dengvaxia — pero ngayon sinasabi nila na mayroon pa rin tatamaan after three years.
Secretary Roque, naniniwala pa rin ang sambayanang Filipino na dapat panagutin kung sino ang nasa likod ng P3.5-bilyong Dengvaxia scam. Kung sino ang mga nakinabang at hindi lang ngayon kundi hanggang sa panahon na may lumitaw na epekto nito sa mga nabakunahan.
‘Yan ang gustong marinig ng sambayanan na garantiya mula sa Palasyo.
Aasahan po namin ‘yan, Secretary Roque!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap