ISA ang nagbitiw na hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Director General Benjamin delos Santos sa mga opisyal ng gobyerno na masasabi nating may tunay na delicadeza.
Nang sabihin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na bumalik na naman ang operasyon ng ilegal na droga sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) agad siyang nagpahayag ng intensiyon na magbitiw.
Irrevocable resignation. Ibig sabihin hindi nagpapahabol lang si ret. Gen. Delos Santos.
Sabi nga niya, nang magbalik ang operasyon ng ilegal na droga sa Bilibid, ibig sabihin, ay hindi na siya kailangan doon.
Isa sa mga pinagkakatiwalaang tao sa Department of Justice (DoJ) ni Secretary Aguirre si dating police general Delos Santos.
Sila ay magka-bro sa Lex Taliones, isang law school fraternity na kinabibilangan din ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.

Gaya ng sinabi ni Secretary Aguirre, ilan sa mga itinalagang miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) ay kontaminado na rin ng operasyon ng ilegal na droga sa loob ng Bilibid.
Tsk tsk tsk…
Parang ipinagmamalaki lang ng sindikato, “kahit sino pa ang dalhin ninyo rito sa loob ng Bilibid kayang-kaya naming paikutin at isabotahe ‘yan.”
Kahit na ‘anghel’ pa siguro ang ipasok sa Bilibid, tiyak na magiging demonyo kapag nadikit sa sindikato ng ilegal na droga.
Kaya ang kailangang maitalagang hepe rito ay gaya rin ni Gen. Delos Santos. May delicadeza at hindi kayang bilhin ng perang mula sa ilegal na droga.
Mukhang hindi lang simpleng pagpapalit ng mga bantay ang solusyon para tuluyang maigupo ang ilegal na droga sa Bilibid.
Kung hindi magagawa ang building type na penitentiary mas makabubuting i-relocate ang NBP para unti-unting mawasak ang sistema ng operasyon ng sindikato ng ilegal na droga.
Pansamantala, naniniwala tayo na mayroon pang malaking papel na gagampanan si Gen. Delos Santos para mabawasan kung hindi man tuluyang matuldukan ang operasyon ng ilegal na droga sa Bilibid.
Umaasa po tayo na makabuluhan ang mga susunod na hakbang ng DOJ laban sa sindikato ng ilegal na droga.
MANILA PROSECUTOR
NAGHAHABOL
SA CA NA BALEWALAIN
ANG SUSPENSIYON SA KANYA
NI SOJ AGUIRRE

HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com