HINDI naitago ni Azenith Briones ang paghihimutok sa pagkamatay ng kanyang asawang si Eleuterio Reyes sa kaguluhang nangyari sa Resorts World. Nagpunta lang silang mag-asawa sa casino dahil may kailangan silang singilin. Habang si Azenith ay bumibili ng pagkain sa second floor, naiwan niya ang kanyang asawa na naghihintay naman sa sisingilin nila, nang maganap ang kaguluhan.
Tumakbo rin si Azenith at napapasok sa loob ng kitchen. Tapos kasama ng mga kitchen staff ay tumakas sila papalabas ng building. Nawalan ng contact si Azenith sa kanyang asawa, at noong bandang hapon na kinabukasan at saka niya nalaman na kasama pala iyon sa mga namatay dahil sa usok.
Sinasabi ni Azenith, kung naging maagap lang siguro ang security at rescue staff ng Resorts World, hindi mamamatay ang ganoon karaming tao, kabilang na ang kanyang asawa. Ang asawa ni Azenith ay nakaburol ngayon sa Rizal Funeral Homes sa Pasay. Dumalaw doon noong isang gabi si Presidente Digong at sinasabi naman ng Resorts World na bagamat naniniwala silang walang katumbas na halaga ang buhay ng isang tao, nag-aalok sila ng P1-M sa bawat isang namatay sa kaguluhan sa kanilang casino.
Marami na tayong naririnig na kuwento sa mga casino. Kung natatandaan ninyo, sa naging malakas na lindol noon sa Baguio, napakarami ring namatay sa loob ng casino. Marami na rin tayong kakilalang naghirap at nalustay ang kabuhayan dahil sa casino. May isang aktres na nawala ang kabuhayan dahil sa casino rin. Sana nga maawat na sila sa kasusugal lalo na sa nangyari ngayon.
HATAWAN – Ed de Leon