AMINADO si House Speaker Pantaleon Alvarez, maaari pa rin nilang isyuhan ng warrant of arrest si Sen. Leila de Lima, sa kabila ng kasunduan sa panig ng mga opisyal ng Senado at Kamara.
Ayon kay Alvarez, may mga pinagpipilian na silang option, ngunit hindi muna nila mailalahad sa publiko.
Giit niya, hindi maaaring mabastos ang Kongreso dahil lamang sa isang miyembro ng mataas na kapulungan.
Habang sinabi ni House justice committee chairman at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, ikinokonsidera rin nilang huwag nang ituloy ang pagsasampa ng mga kaso laban kay De Lima.
Ngunit ito ay kung tutugon na sa kanilang show cause order ang senadora at makikipagtulungan sa imbestigasyon sa illegal drug trade.
Pinag-aaralan din nila na i-hold muna ang legal actions laban sa lady solon habang nagagamit pa niya ang immunity bilang mambabatas.