ISINAGAWA iyong supposed to be ay kasal nina Alden Richards at Maine Mendoza sa Christ The King Chapel, na nasa loob ng SVD seminary sa Quezon City. Natural, kaunti lang ang mga tao, dahil hindi naman papayag ang mga pari na magkagulo roon sa loob mismo ng kanilang seminaryo. Pero iyon ay naging palaisipan sa amin.
Iyong kanilang first meeting ay inilagay sa isang napakalaking venue, at sinugod ng mahigit na 50,000 tao. Nakakuha iyon ng milyong tweets, at nagtala ng isang world record. Bakit kaya hindi nila naisip na kaysa simbahan ay ginawa nila ang kasal-kasalan sa isang malaking venue ulit para mapuntahan ng fans at makalikha sila ng mas malaking atensiyon? Nararamdaman din ba nila na nagse-settle na ang popularidad ng AlDub?
Hindi naman maiiwasan iyon. Isipin ninyong mahigit na isang taon nang araw-araw ay napapanood sila sa telebisyon na walang ginagawa kundi ganoon din. Napakalimitado kasi ng kanilang kuwento. Isang babaeng noong una ay ginawang yaya ng kanyang lola, tapos biglang sumikat eh, naging apo na siya at hindi na isang yaya. Nagka-crush at naging syota naman ng isang character na kung tutuusin hindi naman kasali kundi nanonood lang sa serye. Eh nag-click, naging main character na rin.
Hindi na sila makaalis sa kanilang kuwento at sa kanilang character. Siyempre naroroon na rin naman ang “sawa factor”. Kaya nga may mga kritikong nagsabi na ginawa nila iyon sa chapel para hindi na kailangan ang magpuno ng isang malaking venue. Pero ang nangyari nga, hindi naman masyado ang impact niyon. Sa natatandaan namin, parang mas pinag-usapan pa ang hindi natuloy na kasal noon ni Yaya Dub kay Frankie Urinoli. Trending iyon sa Twitter, at inilampaso ang kalaban nilang show noon.
Kami, ang nakikita namin diyan, nagsimula na nga kasing mag-settle ang popularidad ng AlDub. Wala na iyong euphoria na nasaksihan natin noong araw.
HATAWAN – Ed de Leon