BIGLANG pagkilala sa ‘di matatawarang serbisyo ng mga sundalo, pulis at iba pang miyembro ng uniformed service, lalo na sa gitna ng pinaigting na kampanya kontra droga at krimen, pabor tayo sa isinusulong ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV na Senate Bill No. 284.
Ito ang panukulang magtataas sa insurance coverage at benefits ng lahat ng miyembro ng uniformed service.
Sabi nga ni Senator Trillanes: “Sa kasalukuyan, ang ating mga sundalo at pulis ay sakop ng Special Group Term Insurance na nagbibigay ng benepisyo sa kanila at sa kanilang pamilya kung sakaling may ‘di magandang mangyari sa kanila. Kasama rito ang P16,000 para sa natural death at P32,000 para sa tinatawag na Killed-in-Action, at dagdag na P1,000 bilang burial benefit.
“Ang mga nasabing halaga ay huling itinaas noong Marso 2000 o higit 15 taon na ang nakalipas, at di na sapat para matugunan pa ang kanilang pangangailangan kung sakaling may di magandang mangyari sa gitna nang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Kaya napapanahon na para madagdagan ang kanilang insurance coverage at benefits.”
‘Yan ang marring mungkahi ng Senador.
Sa ilalim ng SBN 284, ang uniformed personnel, kabilang ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency, at Philippine Coast Guard, na nasawi o nasugatan sa gitna nang pagganap sa kanilang tungkulin ay mabibigyan ng P250,000 death at disability benefits, at hanggang P100,000 benefits para sa gastos pangmedikal.
“Malaki ang inaasahan natin mula sa ating uniformed personnel: mula sa pagpapanatili ng peace and order sa bansa, lalo sa mas pinaigting na laban kontra droga at krimen; hanggang sa rescue, relief and rehabilitation sa mga panahon ng kalamidad at krisis. Marapat lang masiguro natin sa ating mga sundalo at pulis, pati na rin sa kanilang pamilya, na sa pamamagitan ng panukalang ito ay handang sumuporta ang pamahalaan kung sakaling may mangyaring ‘di kanais-nais sa kanila.”
Si Senator Trillanes ay dating opisyal ng Philippine Navy at naranasan niya ang hirap na malayo sa pamilya.
Kaya naman mahalaga para sa kanya na segurado ang bawat uniformed personnel at kanilang pamilya.
Aprub tayo diyan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap