TOTOHANAN na ang makabagong style ng piracy. Inilalabas na ang buong kopya ng pelikula sa internet, gamit ang social media. Malakas ang aming kutob na ang naglalabas niyan sa social media ay may kinalaman din sa post production ng pelikula, kasi napakalinaw ng kopya at hindi mo masasabing pinipirata iyon gamit lamang ang isang camera sa loob ng sinehan.
Ang latest na biktima ng piracy ay iyong pelikula ng AlDub. Nakakalat na rin iyan ngayon sa mga social media networks, kaya nakikiusap na ang mga gumawa ng pelikula na ”please naman” huwag nang i-share pa ang links. Eh mapakikiusapan ba ang mga mahihilig?
Nakalulungkot isipin na iyang social media at blogs, na ang akala ng industriya ay makatutulong ng malaki lalo na sa publisidad ng kanilang mga ginagawang pelikula ay siya pang nagiging daan ngayon para mapirata ang mismong pelikula nila. Hindi namin sinasabing ang mga blogger na madalas na kasama nila sa mga presscon ang may gawa niyon. Pero dahil madalas na ngang nakikita iyon sa mga blog, mayroon namang ibang bloggers na para mas makapagmalaki sila, hindi lang nagbabalita tungkol sa pelikula. Inilalabas pa nila ang kopya ng pelikula. Eh payabangan iyang blog eh. Paramihan iyan ng followers.
Paano mo nga ba tatalunin iyong mga nagbabalita tungkol sa pelikula na nakukumbida kasi sa mga presscon? Katunayan may mga bloggers con na sila ngayon. Eh ‘di ilabas naman ang kabuuan ng pelikula. Iyon lang ang paraan para talunin nila iyong mga nagbabalita lang eh, at naglalabas pa ng kanilang mga selfie na kasama ang mga artista, ganoon din ng kanilang mga kinain sa press con.
Kaya nga ngayon, marami nang mga mahihilig sa internet na nag-aabang ng mga blogger na may kopya na ng mga bagong pelikula. Kawawa naman ang industriya. Noon binibili pa ang mga pirated na DVD. Ngayon libre nang maida-download sa internet.
HATAWAN – Ed de Leon