NATAGPUAN ang mga labi ng matandang mag-asawa na halos limang araw nang nawawala na nakasilid sa sako sa isang kanal ng irigasyon sa Brgy. Cabu, lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija.
Kinilala ang mga biktimang sina Romeo Delos Trinos, 65 anyos, at kaniyang asawang si Mely Delos Trinos, 55 anyos, mga residente ng Gen. Natividad, Nueva Ecija.
Natagpuan ang kanilang mga bangkay sa isang kanal ng irigasyon at nasa malalang yugto na ng pagkabulok.
Ayon sa mga awtoridad, nakita ang mga bangkay matapos mag-ulat ang mga residenteng dumaan sa lugar ng mabahong amoy na nagmumula sa kanal ng irigasyon.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng tagapag-alaga ng bahay ng mag-asawa na huling nakitang buhay ang mga biktima noong umaga ng 6 Marso, nang umalis sila sa kanilang bahay sakay ng kanilang kolong-kolong (improvised tricycle) patungong bayan ng Dilasag.
Gayunpaman, hindi na nakauwi ang mag-asawa at hindi na makontak.
Halos limang araw ang lumipas, dalawang bangkay na nakabalot sa mga sako ang natagpuan sa kanal ng irigasyon at kalaunan ay positibong kinilala ng kanilang mga kamag-anak bilang ang nawawalang mag-asawa.
Narekober ng mga awtoridad ang kolong-kolong ng mag-asawa sa isang liblib na lugar sa Brgy. Platero habang nawawala ang plaka at mga salamin sa gilid ng sasakyan.
Kasalukuyang nagsasagawa ng mga backtracking operation ang pulisya upang matukoy ang posibleng ruta na tinahak ng tricycle at upang matukoy ang mga indibidwal na maaaring gumamit ng sasakyan bago natagpuang patay ang mga biktima. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com