ni ALLAN SANCON
STAR studded ang katatapos na Blue Carpet Premiere ng bagong seryeng The Silent Noise ng Prime Video at ABS-CBN Studios na ginanap noong Marso 10 sa Gateway Mall 2.
Sa advance screening ng nasabing serye ay napanood ang unang episode ng The Silent Noise, na namangha ang mga manonood sa kagulat-gulat na pangyayari dahil sa mga misteryong hatid ng kuwento.
Kabilang sa mga dumalo sa premiere night ang mga bida at kilalang personalidad tulad nina Zanjoe Marudo, Angelica Panganiban, Joem Bascon, Mutya Orquia, Zaijian Jaranilla, Karina Bautista, Tommy Alejandrino, at KD Omalin. Lalong naging engrande ang gabi dahil sa presensya ng buong cast na todo-suporta sa bagong proyekto.
Ayon kay Zanjoe, hindi basta ordinaryong drama ang serye dahil puno ito ng tensyon at emosyon.
“Ito yung klase ng kuwento na habang pinanonood mo, parang may mabigat na katahimikan na unti-unting nababasag. Maraming lihim ang mabubunyag at siguradong mabibigla ang viewers,” pahayag ng aktor tungkol sa serye.
Ibinahagi naman ni Angelica na isa ito sa mga proyektong talagang tumatak sa kanya bilang artista. “Napaka-intense ng story. Habang ginagawa namin ito, ramdam namin ‘yung bigat ng bawat eksena. Excited ako na makita ng mga tao kung paano nagbabago ang mga karakter kapag lumalabas na ang mga sikreto,” anang aktres.
Matapos ang screening ay nagkaroon din ng grand media conference na nagkuwento ang cast at creators tungkol sa paggawa ng serye. Espesyal ding inimbitahan ang mga miyembro ng Filipino Sign Language community bilang pagkilala sa karakter ni KD na isang batang bingi sa kuwento, at sinigurong may FSL interpreters para mas maging eksklusibo ang programa.
Umiikot ang kuwento ng The Silent Noise sa isang pamilyang unti-unting nabubunyag ang malalalim na lihim matapos ang isang trahedya. Mapapanood ang serye simula Marso 20 sa Prime Video na dalawang bagong episode ang ilalabas bawat linggo—kaya asahan na ng fans ang sunod-sunod na rebelasyon na tiyak na magpapayanig sa mga manonood sa mahigit 240 bansa sa buong mundo.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com