SUNOG NA BANGKAY na may mga tama ng bala sa leeg at batok ang isang negosyanteng babae at kaibigang rescue officer sa loob ng sinunog na sasakyan nang matagpuan sa harapan ng isang farm sa Brgy. Sinasajan, Peñaranda, Nueva Ecija, nitong Lunes ng umaga.
Base sa ulat ng Nueva Ecija Police, dakong 10:40 ng umaga nitong Lunes nang matagpuan ng mga awtoridad ang magkatabing bangkay ng 33-anyos negosyanteng babae at 44-anyos rescue officer na kapwa sunog at may mga tama ng bala sa bahagi ng kanilang leeg at batok sa loob ng kulay pulang Toyota Wigo, may plakang DAR-7847, nakaparada sa harapan ng Leong Hup Farm sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon, nabatid na nagpaalam ang ginang sa kaniyang pamilya at mga kamag-anak na magbebenta muna ng apartment building na sa halagang P18 milyon.
Ayon sa pulisya, naihatid pa ng ginang ang kaniyang 9-anyos anak sa eskuwelahan bago nangyari ang malagim na krimen.
Sinabi ng kaanak na pinakiusapan ng negosyanteng biktima ang kaibigang rescue officer para siya ay ipagmaneho at samahan sa transaksiyon. Sumakay pa umano ang dalawang ‘buyer’ sa sasakyan ng mga biktima.
Sinabing pursigido ang ginang na maibenta ang kaniyang apartment building dahil kaarawan ng kaniyang anak.
Pinaniniwalaang ang mga biktima ay pinaslang muna bago sinunog ang behikulo upang itago ang krimen.
Sinabi ni PCapt. Vincent Taylor, officer-in-charge ng Peñaranda Municipal Police Station, posibleng ‘pera’ ang motibo ng pagpaslang sa mga biktima.
Tukoy na rin umano ng pulisya ang mga ‘persons-of-interest’ sa pagpatay sa dalawang biktima kabilang ang dalawang buyer.
Samantala, nanawagan ang mga awtoridad sa sinumang may impormasyon na maaaring makatulong sa imbestigasyon na makipag-ugnayan sa kanila.
Patuloy ang ginagawang backtracking at pagkalap ng mga CCTV footages at iba pang ebidensiya ng pulisya, katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP), Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Nueva Ecija PFU. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com