NADAKIP ng mga awtoridad sa lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Sabado, 3 Enero, ang isang lalaking suspek sa insidente ng pamamaril Plaridel, Bulacan.
Naganap ang insidente ng na pamamaril sa parehong araw sa harap ng isang gasolinahan sa Cagayan Valley Rd., Brgy. Tabang, sa nabanggit na bayan kung saan binawian ng buhay ang isang 40-anyos na lalaking residente ng Brgy. Sto. Cristo, Malolos, Bulacan.
Ayon kay P/Lt. Col. Jerome Jay Ragonton, naiulat sa Plaridel MPS ang insidente dakong 2:00 ng madaling araw kamakalawa.
Nabatid na nasaksihan ng isang 24-anyos na delivery rider ang insidente ng pamamaril ng 30-anyos na suspek na residente ng Brgy. San Pablo, Malolos, Bulacan.
Sa isinagawang follow-up operation dakong 2:30 ng hapon, nadakip ng mga tauhan ng Plaridel MPS, katuwang ang Provincial Intelligence Unit, Bulacan PPO, at ang Cabanatuan CPS, wala pang 24 oras matapos ang insidente, sa isang hotel sa Maharlika Highway, Brgy. ACCFA, Cabanatuan, Nueva Ecija.
Narekober mula sa suspek ang isang Norinco caliber .45 pistol na may isang magasin na may pitong bala, at isang Mitsubishi L300 FB na ginamit na getaway vehicle.
Isinailalim ang suspek sa naaangkop na disposisyon at isasailalim sa paraffin examination, habang ipinadala ang baril sa Bulacan Forensic Unit para sa ballistic examination.
Kasalukuyang inihahanda ang kasong murder laban sa suspek para sa paghahain sa Office of the Provincial Prosecutor ng Bulacan.
Ang mabilis na pagkakaaresto sa suspek sa loob ng wala pang 24 oras ay patunay ng maagap at koordinadong pagtugon ng Bulacan PNP sa mga insidente ng karahasan, sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Angel Garcillano, provincial director, at sa gabay ni P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., regional director ng PRO3. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com