IKINABAHALA ng TNVS Community Philippines ang Memorandum Circular ng LTFRB na nagbababa sa surge pricing cap ngayong holiday season.
Ang surge pricing o dynamic pricing ay bahagi ng itinakdang regulatory guidelines para sa pasahe ng TNVS, dahil ito ay nakabatay sa realidad ng ride-hailing na pabago-bago ang demand, kondisyon ng trapiko, pick up distance at operating costs sa iba’t ibang oras.
Anila, “ang biglaang pagbawas nito, lalo na ngayong holidays, ay direktang tatama sa kita naming mga nasa kalsada, sa gitna ng matinding traffic at mataas na presyo ng gas.”
Ang surge fees ang isa sa mga mekanismong tumutulong panatilihing patas ang kita kapag mas mahirap at mas matagal ang biyahe.
Kapag binawasan ito sa panahon ng peak demand, mas maraming driver ang mapipilitang mag-offine sa high-demand hours dahil hindi na sulit ang oras, pagod, at gastos.
Sa huli, mas mahihirapan din makakuha ng masasakyan ang mga commuters.
“Nakipagpulong ang LTFRB sa aming community patungkol dito at may nabanggit na may mga “compensatory adjustments” kabilang ang potensiyal na dagdag sa pick-up fares. Nagtatanong lang kami: nasaan na po iyon?” pahayag na tanong ng TNVS community.
Diin nila, “Ang pagiging patas ay hindi lang dapat para sa commuter. Dapat patas din para sa drivers na araw-araw lumalaban sa kalsada.
“Handa kaming makipag-usap at makipagtulungan, pero sana ang anumang mga pagbabago sa pasahe ay dumaan sa malinaw na konsultasyon at magbunga ng patas na solusyon para sa lahat,” paabot na pahayag ng komunidad. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com