ISANG 41-anyos pulis ang inaresto matapos looban at holdapin ang isang convenience store sa Quezon City nitong Linggo ng umaga.
Batay sa report Quezon City Police District (QCPD), si alyas Patrolman Quimpo, 41, nakatalaga sa District Headquarters Support Unit (DHSU), ay dinakip sa loob ng Camp Karingal habang naka-duty dakong 9:35 ng umaga.
Ang pagdakip kay Quimpo ay kasunod ng reklamo ng 7/11 na sila’y hinoldap ng suspek noong 23 Oktubre dakong 1:00 ng madaling araw sa Banawe St., ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na tinutukan ng baril ni Quimpo ang cashier, nilimas ang nasa P2,000 kita ng tindahan saka tumakas sakay ng kanyang motorsiklo na NMAX, may plakang 526PDC.
Aminado ang suspek sa kanyang ginawa at sinabing nagsa-sideline siya bilang ride hailing app driver dahil sa problema sa pera.
Agad dinisarmahan ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong kriminal at administratibo. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com