ni ALMAR DANGUILAN
NASUNOG nang buhay ang tatlong batang magkakapatid nang sumiklab ang sunog sa inuupahan nilang bahay sa Quezon City nitong Martes ng umaga.
Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Director Jesus Piedad Fernandez, ang magkakapatid na nasawi kinilalang sina alyas Matthew, 10 anyos; Zach, 7, at Zarah, 5, pawang uling na nang matagpuan sa ikalawang palapag ng inuupahang bahay sa P. Florentino St., Brgy. Sto. Domingo, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon, dakong 11:03 ng umaga nitong Martes, 14 Oktubre, nang magsimula ang sunog sa unang palapag ng tahanan ng mga biktima na noon ay natutulog umano.
Sinabi ng nanay ng bata, kasama ang kaniyang mister ay nagtungo siya sa Fabella Hospital sa Maynila upang ipa-check up ang inang may sakit.
Giit niya, natutulog ang kaniyang mga anak sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan at hindi niya naisip na magkakasunog.
Pawang nakalabas sa kanilang tahanan ang iba pang residente sa nasusunog na tatlong palapag na bahay na sinabing pag-aari ng pamilya Mitra.
Naapula ang sunog dakong 12:18 ng tanghali na tumupok sa 15 kabahayan.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa sanhi ng sunog.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com