PATAY ang 36-anyos negosyante matapos manlaban sa holdaper sa isang insidente sa Quezon City nitong Martes ng madaling araw.
Dead on arrival sa Quirino Memorial Medical Center ang biktimang si alyas AJ, may-ari ng isang Guitar Set Up at residente sa Brgy. Kamias, Quezon City dahil sa tama ng bala ng baril sa kanang dibdib.
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Nestor V. Ariz, Jr., ng Criminal Investigation and Detection Unit Quezon City Police District (CIDU-QCPD), nangyari ang krimen dakong2:40 ng madaling araw nitong Martes, 30 Setyembre, sa harap ng bahay ng biktima sa nasabing barangay.
Kababa pa lamang sa motorsiklo ng biktima kasama ang kaibigan na si alyas Ken nang lapitan ng hindi kilalang suspek na armado ng baril na agad nagdeklara ng holdap.
Nanlaban ang biktima nang sapilitang kunin ng suspek ang kaniyang pera at mga suot na alahas.
Dahil dito, bumunot ng baril ang holdaper at malapitang pinaputukan ang biktima saka mabilis na tumakas.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com