DALAWANG pelikulang lokal, “Minamahal: 100 Bulaklak Para Kay Luna,” at “The Ride,” ang tampok ngayong linggo matapos kapwa makakuha ng angkop na klasipikasyon mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Ang Minamahal:100 Bulaklak Para Kay Luna, na pinagbibidahan nina Andres Muhlach at Ashtine Olviga, at mula sa direksyon ni Jason Paul Laxamana, ay rated PG. Ito’y tungkol sa mga kabataan at pamilya na nangangailangan ng gabay ng magulang para sa mga batang manonood.
Ang The Ride, na pinagbibidahan nina Piolo Pascual at Kyle Echarri, ay rated R-13, para sa mga edad 13 at pataas. Tungkol ito sa mag-amang biglang nanganib ang buhay dahil sa pagkakasangkot sa iligal na gawain.
Anim pang banyagang pelikula ang inaprubahan ng MTRCB, kabilang ang musikal na “Gabby’s Dollhouse The Movie,” na rated PG (puwede sa lahat ng manonood).
Ang mga South Korean concert film na “Cha Eun-Woo: Memories In Cinemas,” na pinagbibidahan ng Korean actor at singer na si Cha Eun-Woo at “BTS Week,” tampok ang koleksiyon ng mga pagtatanghal ng Korean boy band na BTS, ay parehong rated PG.
Ang American post-apocalyptic action na “Afterburn,” na nangyari isang dekada matapos mawasak ng isang solar flare ang teknolohiya ng buong mundo, ay rated R-13.
Parehong rated R-16 ang Japanese animation na “Chainsaw Man – The Movie: Reze Arc” at ang American epic action-thriller na “One Battle After Another,” para sa mga edad 16 at pataas dahil sa maselang tema at eksena.
Nagpaalala si MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto sa mga magulang na maging maingat sa pagpili ng angkop na palabas para sa mga batang manonood.
“Panawagan ko sa ating mga magulang at nakatatanda na gabayan ang mga batang manonood at ipaliwanag na ang mga eksena at asal na nakikita nila sa pelikula ay bahagi lang ng kuwento at hindi parte ng realidad,” sabi ni Sotto.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com