MAHIGIT sa 6,000 cubic meters ng basura mula sa naimbak na kalat na dulot ng nagdaang bagyo ang nahakot at patuloy na nililinis ng Malabon City Environment and Natural Resources Office (CENRO) upang mapanatiling malinis at ligtas ang mga residente.
“Malabueños, nitong nakaraang bagyo at pagbabaha sa lungsod, nasiguro po natin na hindi tayo nagkaroon ng malaking problema sa basura. Agad po tayong nagpadala ng mga tauhan para isagawa ang paglilinis sa mga pangunahing kalsada at daanan ng tubig tuwing tumitigil ang ulan at humuhupa ang baha. Ito ay upang maiwasan ang pagtaas ng tubig sa mga daanan at kabahayan.
“Ngunit ang mga basurang nakolekta ay paalala na dapat tayong maging responsable pagdating sa kalinisan. Magtapon ng basura sa tamang lagayan at makibahagi sa mga programa para sa kapakanan ng kapaligiran,” ayon kay Mayor Jeannie Sandoval
Sa report ng CENRO, agad nilang nilinis ang mga kalsada at nagsagawa ng clean-up operations sa lahat ng barangay.
Karamihan sa mga nahakot na basura ay plastic sachets, styrofoam, kahoy at iba pang itinapong gamit na nagdulot ng matinding pagbara sa mga kanal at estero na sa Barangay Tonsuya pa lamang ay nakakolekta na ng 281 sako ng basura.
“Kapag tumigil pa lang ang ulan at pagbaba ng tubig sa daan, nagpapadala na po tayo agad ng ating mga kawani upang maglinis at makolekta ang mga basura kaya ho naiwasan natin na magkaroon ng tambak ng basura sa kalsada.
“Isang paraan po ito ng ating mga inisyatibo, sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval, na mabawasan ang epekto ng pagbaha sa ating lungsod. Nakahanda po ang CENRO at ang mga departamento ng pamahalaang lungsod para mapanatili ang kalinisan, na siyang magpapabuti sa kalusugan at kaligtasan ng bawat isa,” ayon kay CENRO chief Mark Mesina.
Samantala, sinisiguro ni City Adminstrator Dr. Alexander Rosete na nagpapatuloy ang clean-up drives sa lahat ng barangay para matiyak na malinis at ligtas ang Malabueños. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com