SINUSUPORTAHAN ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pagtaas ng taripa ganoon din ang suspensiyon ng importasyon ng bigas, lalong-lalo na tuwing anihan.
Tinukoy ni Pangilinan na ang anihan ng palay ay kasalukuyan nang nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng bansa at ito ay magaganap hanggang sa Oktubre.
Ayon kay Pangilinan, “halos araw-araw nakatatanggap tayo ng hinaing sa mga magpapalay. Minsan text, minsan sa harapang usapan. Nakaiiyak, nakagagalit. Bukod sa pagsalanta ng bagyo, nasasalanta rin nang sobrang babang presyo sa pagbili ng kanilang palay.
“Mula lima hanggang siyam na piso na lang kada kilo ang pagbili sa kanila ng palay, samantala, P14 hanggang P16 ang production cost. Luging-lugi na ang ating magpapalay.”
Hinihikayat ni Pangilinan ang Department of Agriculture (DA) na ipatupad nang buo, tuluyan, at kompleto ang programang Sagip Saka.
Hinikayat ni Pangilinan ang malalaking kompanyang may kinalaman sa pagkain na direkta nang bumili ng kanilang mga pangangailangan mula sa mga magsasaka at mangingisda. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com