“ANG mga estrukturang nakabara sa waterways, isa sa mga sanhi ng matindi at paulit-ulit na pagbaha.”
Pahayag ito ni Senador Erwin Tulfo nang hikayatin niyang magkaroon nang malawakang imbestigasyon ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ukol sa mga ‘di-awtorisadong estrukturang hadlang sa waterways at natural drainage systems sa buong bansa.
Ang sentimiyentong ito ay kasunod ng pagpunta ni Tulfo sa Puerto Princesa City, Palawan, isang lugar na lubusang naapektohan ng mga nagdaang bagyo at habagat na nagresulta ng matinding pagbaha at pagkakatanggal ng 6,000 indibidwal mula sa kanilang mga tirahan.
“Nakatatanggap ako ng mga ulat at ako mismo ang nakakita kung paanong ang mga waterways tulad ng ilog, sapa, at kanal ang nawala o natabunan na ng mga kalsada at mga estruktura. Kitang-kita ang resulta nito: matinding pagbaha at pagbabara sa mga nakapaligid na coastal at marine ecosystem ani Tulfo sa kanyang privilege speech.
Diin niya: “Hindi lamang ito harap-harapang paglabag sa mga batas para sa kalikasan, ito ay paghihintay na makompromiso ang kaligtasan ng mga komunidad sa mga waterways.”
Nanawagan ang bagong senador ng isang imbestigasyon sa nasabing malalang pagbaha hindi lamang sa Palawan kundi maging sa ibang bahagi ng bansa, nang sa gayon ay mas mapalakas ang mga kaugnay na batas at implementasyon na reresolba nito.
“Mayroon na tayong mga batas pero tuloy pa rin sa paglabag. Ang masaklap pa, may mga ilegal na estruktura na nananatiling nakatayo doon sa malapit sa mga waterways,” ani Tulfo.
Ayon sa Senador, “walang sinoman, kahit na ang mga makapangyarihang indbiduwal at negosyo ang mangibabaw ng pansariling interes kapalit ng kaligtasan ng publiko, kaayusan ng kapaligiran, at batas.”
Hinimok ni Tulfo ang Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mag-imbestiga at magbigay ng listahan ng mga hindi awtorisadong estruktura na humaharang sa waterways at natural na daanan ng tubig sa lalawigan ng Palawan at sa buong rehiyon.
“Kung hahayaan natin itong magpatuloy, hindi lang ito delikadong panimula kundi nilalabag din ang ating tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas na protektahan ang kalikasan at pairalin ang interes ng publiko kaysa kagustuhan ng iilan,” pagtatapos ni Tulfo. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com