TINIYAK ni PBGen. Romeo J. Macapaz, bagong talagang hepe ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na gagawin nila ang mahihirap at imposibleng trabaho pero naaayon sa batas.
Ayon kay Macapaz, miyembro ng PNP Academy ‘Patnubay’ Class of 1995, ‘yan ang tatak CIDG na dapat panatilihin.
Inaasahan ni Macapaz na marami ang magagalit sa kanyang mga aksiyon at desisyon ngunit kailangan niya itong isakatuparan.
Si Macapaz ang ika-50 Director ng PNP-CIDG,
ay kilala bilang isang maayos na lider at intelligence officer na may tapang at malasakit.
Ang mga katangiang ito ang naging basehan ni PNP chief, General Nicolas D. Torre III upang ipuwesto siya bilang bagong PNP-CIDG chief.
Bago umupo bilang CIDG director, si Macapaz ang regional director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region. Dati rin siyang Deputy Director ng PNP Directorate for Intelligence at director ng PNP Intelligence Group.
Inilatag ng opisyal ang kanyang direktibang dapat tupdin ng bawat miyembro ng unit at binigyang-diin ang pagpapatupad ng internal discipline.
‘Zero tolerance’ rin sa kahit sinong tauhan ng CIDG na masasangkot sa katiwalian at kawalan ng disiplina.
Mariin niyang ipinaalala ang “swift and responsive public service” na isa sa key pillar of leadership ni Gen. Torre. (ALMAR DANGUILAN)