IKINAGALAK at pinurini Navotas Representative Toby Tiangco ang Department of Agriculture (DA) sa patuloy na pagsusumikap na palawakin ang ₱20 kada kilong bigas na programa ng pamahalaan bilang pangunahing hakbang kaakibat ng layunin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mas mapalapit ang abot-kayang pagkain sa masa.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa Department of Agriculture (DA) sa kanilang dedikasyon at inisyatibong patuloy na maghanap ng paraan upang maisakatuparan ang ₱20 kada kilo ng bigas na hangarin ni Pangulong Marcos para sa mas nakararaming Filipino,” ayon kay Tiangco.
Ipinunto ni Tiangco ang patuloy na paglawak ng abot-kayang bigas program ng KADIWA stores sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Mindoro, at Rizal.
“Sa pamamagitan ng programang ito, layunin nating mapagaan ang pasaning pinansiyal ng bawat pamilyang Filipino habang sinisiguro nating patas ang kabayaran sa ating mga magsasaka para sa kanilang ani. Hindi lang ang mga konsumer ang nakikinabang, kundi pati ang ating mga magsasaka,” paliwanag niya.
Sa ngayon, prayoridad sa pagbebenta ng ₱20 kada kilong bigas ang mga kabilang sa vulnerable sectors gaya ng mga low-income families, senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs). (VICK AQUINO)