Monday , June 16 2025
Firing Line Robert Roque

Bagong Chief PNP, best choice

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

MAYROON na tayong bagong bantay sa Philippine National Police sa katauhan ni Gen. Nicolas Torre III — isang Mindanaoan na taga-Sulu, pulis na ilang beses nang pinarangalan, at mahusay na PNPA graduate bitbit ang karanasang pinanday ng mga labanan at bibihirang katatagan ng isang edukadong propesyonal.

Kung sa loob lang sana ng isang minuto ay kalilimutan ng mga Filipino ang galit nilang diskurso kaugnay ng paghahatid kay dating Pangulong Duterte sa The Hague — at tanggalin iyon sa mga konsiderasyon — maiintindihan kaagad kung bakit bagay na bagay kay Torre ang maging Chief PNP.

Hindi lamang siya basta pangalang madalas na nababanggit sa mga balita. Ipinagmamalaki ni Torre na siya ay taga-Jolo, pinalaki ng isang maprinsipyong guro at isang pulis na labis niyang hinahangaan. Konektado ang kanyang angkan sa kultura ng mga mandirigmang Tausūg — tapat, matapang, makabayan — tagapagtanggol ng kalikasan at katwiran.

Mahalaga ang pundasyong ito, dahil sa likod ng magiting niyang imahen ay hindi lamang matigas na armas, kung hindi isang matalino at mahusay na alagad ng kaayusan. At kapag sinabi kong matalino, isipin n’yo: namayagpag siya sa halos bawat pagsasanay ng pulisya na kanyang sinabakan, nagtapos bilang top 4 sa kanyang batch; at mayroong tatlong master’s degrees.

Babad din siya sa aktuwal na pagganap sa tungkulin, nagsilbing field commander hanggang maging hepe ng pulisya sa Pampanga at Batangas at naging regional director sa Samar. Sa Metro Manila, naging director naman siya ng Quezon City Police District (QCPD), kung kailan at saan, pinabilis niya ang panahon ng pagresponde sa mga krimen at nanindigan laban sa mali-maling pag-uulat ng krimen.

Mula rito, naging eksperto siya pagdating sa intelligence ng PNP; kaya garantisado nang mahusay gumanap sa kanyang tungkulin ang taong ito, at hindi basta mairaos lang ang pagseserbisyo.

At, totoo, siya ang unang “Lakan” ng PNPA na mamumuno sa 235,000 tauhan ng PNP. Hindi lamang ito makasaysayan. Kundi may natatanging simbolo rin. Na ang pinakamataas na opisyal ng pulisya ay hindi lamang puro sinanay ng militar, kundi hinubog ng tradisyong sibilyan bilang pulis ay isang pagbabagong matagal na dapat naipatupad.

Ibig sabihin, magkakaroon ng balanse sa pagitan ng pagdidisiplina at pagmamalasakit; sa pagitan ng kaayusan at karapatan ng mga sibilyan. Ang pagtitimbang-timbang ni Torre sa kanyang mga pagganap sa tungkulin ay hindi mula sa pananaw na tactical — kundi sa perspektibo ng sibilyan.

Hindi ibig sabihin nito ay malamya na siya. Pinangunahan niya ang pagdakip sa arogante at naniniwalang “son of god” ang sarili na si Apollo Quiboloy, at nanindigan sa Davao sa panahong delikadong pakialaman ng political pressure ang kanyang bantay-saradong operasyon.

Naninita siya at namumuna nang hindi nakokompromiso ang batas, isang pamantayang kailangan natin kasunod ng rehimen na nagpalaganap ng extrajudicial killings.

Husgahan natin siya batay sa kanyang pamumuno, hindi sa politikang nakapalibot sa kanya. Kung gusto natin ng isang PNP na mas propersyonal at mas kampi sa sibilyan, hindi lamang si Torre ang tamang tao para sa trabaho — siya rin ang matagal nang pagbabagong deserve ng bawat isa sa atin.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pamilya sa lansangan may pag-asa kay Rex

SIPATni Mat Vicencio KUNG naglipana man sa lansangan ang mga taong-grasa at pulubi, higit na nakababahala …

Firing Line Robert Roque

Social media, dapat panig sa katotohanan

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ANG INILAHAD ni Defense Secretary Gilbert Teodoro sa Shangri-La …

Dragon Lady Amor Virata

May titiba na naman sa NCAP  

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata TINANGGAL na nga ng Korte Suprema ang temporary restraining …

YANIG ni Bong Ramos

Hanay ng mga vendor sa Maynila, nagpapasalamat na kay Yorme Isko

YANIGni Bong Ramos LUBOS na nagpapasalamat kay Yorme Isko Moreno ang hanay ng mga vendor …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Tamang desisyon… tamang opisyal sa tamang posisyon

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAMA! Ang alin? Ang ginawang desisyon ni Pangulong Bong Bong Marcos …