NAGKASA ng panibagong operasyon ang mga operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Service – Manila International Container Port (CIIS- MICP ) sa isang auto shop sa Taguig City, nitong Miyerkoles kung saan nakompiska nila ang may P900 milyong halaga ng hinihinalang smuggled luxury cars.
Ayon kay CIIS Director Verne Enciso, natagpuan ang 44 hinihinalang smuggled luxury cars sa bodega ng Auto Vault Speed Shop na matatagpuan sa Levi Mariano Avenue, Brgy. Ususan, Taguig City.
Ito ang pangatlong raid na isinagawa ng grupo ng Customs Intelligence Service (CIIS) sa pamumuno ni Enciso matapos makompirmang nagbebenta ang auto shop ng mga luxury vehicles.
Nauna nang nagsagawa ng sunod-sunod na operasyon ang operatiba ng Bureau of Customs sa mga lungsod ng Parañaque, Pasay, at Makati.
Matapos maghain ang CIIS – MICP ng Letter of Authority (LOA) tumambad sa grupo ang iba’t ibang uri ng luxury cars na kinabibilangan ng dalawang Ferrari 888, dalawang Mercedes Benz C class, at tig-iisang unit ng Maclaren 720S, Rolls Royce Cullinan, Maserati Levante, Lamborghini Huracan, BMW M3, Dodge Ram, Ferrari 488, Ford Everest, Ford Mustang, GMC Yukon Denali, Honda Civic SIR, Honda S2000, BMW M2, , Land Rover Range Rover Autobiography, Lexus LBX, Lexus LX 570, BMW 14, Mazda Miata, Audi A1, Mercedes Benz AMG SLK, Mercedes Benz G Wagon Brabus, Mercedes Benz G63, Mercedes Benz GLE 450, Mitsubishi Lancer, Porsche 911 Turbo, Porsche 997 Carrera, Porsche 993 Turbo, Porsche 911 Turbo , Porsche Cayenne, Porsche Cayman, Porsche GT3, Porsche GT3 RS, Porsche GT3 Touring, Porsche Turbo, Toyota Sequoia,Toyota Corolla Cross, Toyota Land Cruiser Prado, at Toyota Land Cruiser VXR.
Aalamin ang eksaktong modelo at iba pang kaukulang detalye ng mga luxury vehicles sa isasagawang pinal na imbentaryo ng mga nakatalagang Customs examiners sa harap ng mga tetestigong CIIS, EES, Philippine Coast Guard (PCG), barangay officials, at ang may-ari ng warehouse.
Bibigyan ng 15 araw na palugit ang may-ari upang magsumite ng mga kaukulang papeles na magpapatunay na nakapagbayad sila ng tamang duties and taxes sa gobyerno.
Sasampahan ang may-ari ng kasong Violation of Sections 1400 at 1401 in relation to Section 1113 of Republic Act 10863 o ang Customs Modernization Tariff Act (CMTA) kapag walang naipakitang mga tamang dokumento.
Pinuri ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Bien Rubio ang magkakasunod na operasyon na isinagawa ng CIIS-MCIP na pinamumunuan nina Director Verne Enciso at ni Chief Alvin Enciso.
“The BOC intelligence unit has always been on heightened alert against smuggling operations that led to already billions worth of smuggled luxury cars that these unscrupulous individuals,
organizations and underground businesses have carried to our shores,” ayon kay Rubio.
Patuloy na paiigting ng BoC ang kanilang operasyon upang labanan ang iba’t ibang uri ng smuggling activities sa bansa. (BONG SON)