HINILING ng Crime and Corruption Watch International (CCWI) sa Office of the Ombudsman na repasohin ang mga kasong isinampa laban kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Eugenio Pipo at apat pang opisyal ng Public Works para sa sinabing maanomalyang pagbibigay ng multi-bilyong pisong mga proyektong pang-impraestruktura sa mga kontratista na diskalipikado na sa mga nakaraang rekord ng bidding ng ahensiya sa kabila ng pagbabawal ng Seksiyon 34 ng RA 9184.
Sa tala ng OMB, sinampahan ng reklamong graft and corruption si Pipo kasama ang iba pang opisyal ng public works dahil sa pagbibigay ng mahigit P5.4 bilyong halaga ng mga proyekto sa Mindanao at Metro Manila sa mga pribadong kontraktor sa kabila ng kanilang paglabag sa RA 9184 o ‘Procurement Law.’
Sa dalawang magkahiwalay na reklamo na inihain sa Ombudsman noong 20 Abril 2023, sinabi ng Crime and Corruption Watch International (CCWI) na ang mga kontratang ito ay may bahid ng anomalya dahil iginawad sa mga kontratista na diskalipikado na sa kahit anong bidding ng DPWH dahil sa kanilang talaan ng mga ‘slippages’ sa mga nakaraang proyekto sa kabila ng pagbabawal ng Section 3184 ng RA 9.
Binanggit ng CCWI, sa ilalim ng Section 34 ng RA 9184, ang mga kontratista na nakagawa ng negatibong slippage nang 15 porsiyento sa mga proyekto o 10 porsiyentong negatibong slippage sa dalawa o higit pang mga proyekto sa panahon ng ‘post qualification’ period ay awtomatikong hindi pinahintulutan ng BAC ng DPWH na lumahok sa mga bidding — mas marami pa ang igagawad — sa anumang proyekto, lalo kung madiskubre ang proyekto sa panahon ng pagkukulang ng kontraktor, lalo na sa post qualification stage.
Si DPWH Undersecretary Eugenio Pipo ang namamahala sa regional operations sa Mindanao at apat na iba pa na itinago ang mga pangalan habang naghihintay ng imbestigasyon.
Ang mga proyekto na iginawad sa mga pinapaborang kontratista ay ang Geneses88 Construction, may 13 kontratang nagkakahalaga nang P695,727,983.76; Mark Anthony Construction & Supply na nakakuha ng 11 kontratang nagkakahalaga nang P284,840,688.90; Rely Construction and Supply, na ginawaran ng 10 kontratang nagkakahalaga ng P499,568,460.95; Agong Builders and Construction Supply, binigyan ng pitong kontrata na nagkakahalaga ng P284,677,716.88; at, Monolithic Construction & Concrete Products at Rosbill Construction and Supply na parehong binigyan ng tig-4 na kontrata na nagkakahalaga ng P292,545,532.96 at P236,260,319.26, ayon sa pagkakasunod.
Hindi umuusad ang kaso sa OMB dahil sa panghihimasok umano ng ilang matataas na opisyal ng Public Works.