KAUGNAY ng pagdiriwang ng Chinese New Year ay nanawagan si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino sa gobyerno ng China na kilalanin nito ang karapatan ng Filipinas sa West Philippine Sea (WPS) gayondin ang pagkilala sa Maritime Zone Law.
Aminado si Tolentino na bagamat may galit ang China sa kanya lalo na sa pagsusulong ng naturang batas, walang magagawa ang nasabing pamahalaan kundi irespeto ang kaparatan ng bansang Filipinas ukol sa WPS.
Kung mangyayari ito, ani Tolentino ay tiyak na mahihinto na ang tensiyon sa pagitan ng tropang Pinoy at tropang Tsino sa naturang lugar.
Naniniwala si Tolentino na tanging ang pamahalaang China lamang ang reresolba sa isyu at hindi ang iba pang mga nanghihimasok upang mapaunlad ang maayos na relasyon ng Filipinas at China kung mangyayari ito.
Samantala nagtungo si Tolentino sa Quezon City upang magbigay ng ayuda sa mga mamamayan doon partikular para sa mga senior citizens.
Umabot sa 600 residente ng QC ang napagkalooban ni Tolentino ng tulong pinansiyal na tig-2,000.
Kasabay nito, nagkaloob din siya ng serbisyong legal sa mga mamamayan na mayroong tanong ukol sa batas partikular sa mga mayroong kaso o nais na idulog gayondin ang libreng notaryo. (NIÑO ACLAN)