WALANG patid ang pagbibigay pagkilala sa lungsod ng Maynila sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Honey Lacuna, matapos na tumanggap itong muli ng karangalan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang lungsod , sa pamamagitan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa pamumuno ni Re Fugoso, ay binigyan ng pagkilala sa katatapos na DSWD Social Technology Expo Awards Night na ginanap sa Park In by Radisson Hotel noong December 18, 2024.
Ang tema sa taong ito ay “Empowerment Evolution: Unleashing Potential Through Innovation”, kinikilala nito ang ‘di matatawarang ambag ng lahat stakeholder sa pambansang pagpapatupad ng mga development programs ng DSWD tulad ng Tara! Basa Tutoring Program, Walang Gutom Program and Pag- Abot Program.
Pinasalamatan ni Lacuna ang DSWD sa pagkilala na ayon sa kanya ay sumasalamin sa: “commitment to innovation and dedication to uplifting the lives of our citizens.”
“Thank you to the DSWD, our director Re Fugoso and the men and women behind the MDSW who have been working tirelessly to make this recognition possible. Together, we continue to inspire progress and empowerment for a brighter future of the City of Manila,” saad ni Lacuna.
Sa kanyang parte, sinabi ni Fugoso na ang nasabing pagkilala ay magsisilbing inspirasyon sa kanilang lahat sa MDSW upang ipagpatuloy ang mas mahusay pang serbisyo para sa mga residente ng Maynila na nangangailangan nito.
Pinuri din ni Fugoso si Lacuna sa kanyang ‘di matatawarang malasakit sa mga residente ng Maynila, kung saan tinitiyak ng alkalde na makikinabang ang mga ito sa tulong na ibinibigay ng pamahalaang lungsod sa tuwing may mga kalamidad.
Ayon kay Fugoso, alam ng alkalde kung paano eksaktong hahawakan ang mabilisang pagtugon sa mga residente kapag may sitwasyon tulad ng sunog at malakihang pagbaha, dahil naging hepe rin ng MDSW ang alkalde bukod pa sa pagiging doktor nito. (BONG SON)