HINDI natuloy ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng ‘kill plot’ laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan dahil hindi sumipot sa itinakdang araw ang ikalawang mataas na opisyal ng bansa.
Ikinatuwiran ni VP Sara sa NBI kahapon, Biyernes, dahil umano sa pagkakapataong-patong ng kanyang mga schedule.
Sa halip, ipinadala ni VP Sara ang kanyang abogado
sa headquarter ng Bureau sa Pasay City upang opisyal na humiling ng bagong petsa para sa kanyang pagharap sa imbestigasyon kaugnay ng kanyang isinawalat na ‘kill plot’ laban kina President Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ayon kay NBI Director Jaime B. Santiago, hiniling ng abogado ni Duterte ang panibagong schedule dahil sa hearing ng House of Representatives na nakatakda kahapon.
Habang ang House of Representatives ay kinansela ang pagdinig upang bigyang-daan ang imbestigasyon ng NBI.
Ngunit ayon kay Santiago, sinabi ng abogado ni VP Sara na hulil na silang naabisohan ng Kongreso.
“Apparently, the Vice President ay late na niya nalaman na cancelled ang kanyang appearance before the House Committee hearing. So, hindi na siya nakapunta dito and asked for a resetting,” pahayag ni Santiago sa press conference.
Aniya, kailangang humarap sa NBI ang bise presidente sa 11 Disyembre 2024.
Bukod sa pagpapa-reschedule ng kanyang pagharap sa NBI, hiniling din ni VP Sara sa pamamagitan ng kanyang abogado na bigyan siya ng malinaw na kopya ng reklamong inihain laban sa kanya at iba pang mga dokumento.
Hiniling din niya sa ahensiya na bigyan siya ng kopya ng mga tanong kaugnay ng mga dokumento.
“We must respectfully clarify that since she is evidently the very with subject of your criminal investigation and not an ordinary witness, our client enjoys all relevant rights under our Constitution,” saad sa liham ng Vice President para sa NBI.
Sinabi rin dito na, “we trust you will understand our client’s need for the above information, as a requirement of due process and so that she can make an informed decision on what relevant information she may possibly provide your office in its investigation.”
Ayon kay Santiago, “We will comply with her request because of due process and out of respect because she is the second-highest official in our country.”