DINAKIP ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station 7, ang dalawang pinaghihinalahang bigtime drug pusher makaraang makompiskahan ng P1,360,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation kahapon.
Sa ulat kay QCPD Director PCol. Melecio M. Buslig, Jr., mula kay PLt. Col. Ramon Czar Solas, Station Commander ng PS 7, kinilala ang mga nadakip na sina Ericka Joy Sibog, 24 anyos, at Jonathan De Leon, 22 anyos, kapwa residente sa Brgy. Bambang, Angeles City, Pampanga.
Sa imbestigasyon, bandang 7:10 am, 29 Nobyembre 2024, nang magsagawa ng operasyon ang PS 7 malapit sa isang motel sa EDSA Southbound, Brgy. San Martin de Porres, Cubao, Quezon City.
Nagpanggap na buyer ang isang pulis nang makipagtransaksiyon sa mga suspek na tulak ng shabu na nagkakahalasga ng P50,000.
Nang magkaabutan ng produkto at bayaran, nagbigay ng hudyat ang pulis sa mga kasamahang operatiba at saka dinakma ang dalawang suspek.
Nasamsam sa dalawang suspek ang 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,360,000.00, dalawang cellular phones, at ang buybust money.
Sasampahan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Binabati ko ang mga operatiba ng PS 7 sa pamumuno ni PLt. Col. Ramon Czar Solas para sa tagumpay na ito. Ipagpapatuloy natin ang ating masigasig na kampanya laban sa ilegal na droga upang tuluyan itong mapuksa at makamit ang isang drug-free na lungsod — hindi lamang sa Quezon City, kundi sa buong Metro Manila,” saad ni P/Col. Buslig, Jr. (ALMAR DANGUILAN)