MATABIL
ni John Fontanilla
NAGSAMA ang OPM Icons at hitmakers sa matagumpay na concert-style awards night ng 16th Star Awards for Music ng PMPC na ginanap nitong October 27 sa Carlos P. Romulo Auditorium, RCBC Plaza, Makati City.
Pinangunahan ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano na nagpasabog ng enerhiya sa paghataw sa kanyang mga sikat na dance hits sa loob ng 40 years niyang career.
Madamdamin din ang Gabi ng Parangal kay Gary sa pagtanggap niya ng Pilita Corrales Lifetime Achievement Award para sa kanyang malaking kontribusyon sa music industry. Ayon kay Gary, espesyal ang award na ito na nakapangalan pa sa Asia’s Queen of Songs, na kabilang sa mga unang nagbigay ng oportunidad sa kanya sa industriya.
Bago ang pagpaparangal kay Gary ay binigyan muna siya ng tribute ng kaibigan niyang si Ice Seguerrana inawit ang classic hit na Sana Maulit Muli. Mahigpit na nagyakap ang dalawa sa pag-akyat ni Gary sa entablado.
Idagdag pa riyan ang nakuhang award nina Gary at Gloc-9 na Collaboration of the Year para sa kanta nilang Walang Pumapalakpak.
Malaki naman ang pasasalamat ng veteran music producer, musical director, at arrranger na si Homer Flores na ginawaran ng Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Award. Aniya, ito ang kauna-unahang lifetime achievement award na tinanggap niya.
Bukod sa kanyang performance, naghatid din ng aliw si Ogie Alcasid sa mga manonood sa mga nakatutuwa niyang hirit gaya na lang nang tanggapin niya ang award ng kanyang misis na si Regine Velasquez-Alcasid, na nanalong Female Concert Performer of the Year para sa Regine Rocks.
Naging seryoso naman si Ogie sa pagtanggap sa kanyang parangal bilang Male Recording Artist of the Year. Pinuri niya ang PMPC sa patuloy na pagbibigay-parangal ng grupo ng mga manunulat sa mga natatanging OPM artists.
Present din para personal na tanggapin ang kanilang mga parangal kasama na ang pag-perform sa concert-style awards night sina Ogie (Male Recording Artist of the Year), Gloc-9 (Rap Album of the Year), Christian Bautista (Male Concert Performer of the Year), Jed Madela (Male Concert Performer of the Year), Kris Lawrence (Male R&B Artist of the Year at Male Shining Personality of the Night), BILIB (New Male Group Artist of the Year), at Maymay Entrata (Novelty Song of the Year – Autodeadma).
Dumalo rin at tinanggap ang kanilang awards ang Maki (Male Pop Artist of the Year), Flow G (Rap Artist of the Year), at Inner Voices (Isasayaw Kita – Inspirational Song of the Year).
Hindi nakadalo sa awards night ang Kings of PPop na SB19 dahil kasabay ito ng kanilang konsiyerto.
Humakot ng award ang SB19 na nanalo ng Song of the Year (Gento), Album of the Year (Pagtatag under Sony Music Philippines), Duo/Group Concert Performers of the Year (Pagtatag World Tour – Manila leg), at Dance Recording of the Year (Gento).
Nagsilbing mga host ng Gabi ng Parangal sina Atasha Muhlach, Jameson Blake, Andre Paras, at Heaven Peralejo. Mga awardee rin ang mga host – Atasha (New Female Recording Artist of the Year at Female Shining Personality of the Night), Jameson (Male Face of the Night), at Heaven (Female Star of the Night).
Ang 16th Star Awards for Music ay inorganisa ng mga opisyal at miyembro ng PMPC sa pangunguna ng Pangulo nitong si Rodel Ocampo Fernardo. Katuwang ng PMPC ang Airtime Marketing ni Tess Celestino-Howard. Ang awards night ay idinirehe ni Eric Quizon.
Mapapanood ang kabuuan ng awards night sa November 9, Saturday, 10:15 p.m. sa A2Z.