ni NIÑO ACLAN
NAGULANTANG ang isang senador nang magsagawa ng sorpresang inspeksiyon sa Binangonan Port, Rizal kamakalawa, kung saan may lumubog na bangka noong nakaraang taon na ikinasawi ng 27 katao.
Nagkaroon rin ng hearing sa Senado matapos ang nasabing trahedya.
Bumulaga kay Senate committee on public services chair, Sen. Raffy Tulfo ang samot-saring violations ng ilang mga bangka, tulad ng gamit na life vest na gawa sa styrofoam na mabilis madurog.
Inamin mismo ng Philippine Coast Guard (PCG) at crew ng nasabing bangka na lulubog ang mga pasaherong gagamit nito.
“Napansin ko rin na mayroong isang bangka na butas-butas ang trapal kaya kapag sumama ang panahon ay tiyak na mababasa ng ulan ang mga pasahero,” saad niya.
Nahuli sa akto ni Sen. Raffy ang isang paparating na bangka lulan ang mga pasaherong walang suot na life vest.
“Ibig sabihin, maaaring nasa laot pa lamang ay hinubad na nila ang mga life vest at pinayagan ng crew o hindi talaga nila ini-require ang mga pasaherong suotin ito.”
Sa pagbusisi ni Tulfo sa mga dokumento ng ilang bangka, napansin niya na ang declared capacity of passengers ay hindi tumutugma sa bilang ng insured passengers per boat alinsunod sa kanilang insurance policy.
“Kapag pinaupo ang lahat ng deklaradong capacity ng pasahero, magmimistulang mga sardinas na sila sa sikip. Paano pa kapag idagdag ang mga kargamento ng bawat pasahero? Tiyak na magiging overloaded na ang bangka.” sabi ni Tulfo.
Isa sa hindi nakaligtas sa atensiyon ng senador ang pare-parehong insurance ng lahat ng mga bangka na naroroon. Ang insurance ay dati nang inireklamo sa Raffy Tulfo in Action at may ilang complaint laban dito batay sa record ng Insurance Commission.
Isusumite ni Tulfo sa Department of Transportation (DOTr) ang lahat ng violations na kanyang napuna at irerekomenda na bigyan ng administrative sanction ang mga tauhan ng PCG, MARINA at Philippine Ports Authority (PPA) na naging pabaya sa kanilang tungkulin dahilan kaya mamayagpag ang mga nasabing paglabag.
“Kapag walang compliance sa susunod na surprise inspection ang mga nasabing bangka ay irerekomenda ko rin sa DOTr na samapahan ng kaso ang mga opisyal o supervisor ng nabanggit na mga ahensiya na naging inutil sa kanilang tungkulin,” saad niya.