OPISYAL nang naghain ng kani-kanilang certificate of candidacy (COC) sina incumbent Mayor Mel Aguilar, Vice Mayor April Aguilar, at Alelee Aguilar, para sa darating na 2025 national and local elections.
Ang pamilya Aguilar ay muling pumuwesto para ipagpatuloy ang matagal na nilang pamanang serbisyo publiko sa lungsod ng Las Piñas.
Si Mayor Mel Aguilar ay tatakbo bilang bise alkalde, habang si bise mayor April Aguilar ang lalaban bilang alkalde ng lungsod.
Samantala si Alelee, ay tatakbo bilang konsehal para sa 1st District ng Las Piñas, sa kanyang unang bid para sa isang posisyon sa lokal na pamahalaan.
Binigyang diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagpapatuloy sa pamamahala at ang mga nagawa ng kanyang administrasyon.
Kompiyansa si Vice Mayor April sa kanyang kakayahang mamuno sa lungsod dahil kanyang ipagpapatuloy ang sinimulan ng kanyang mga magulang.
Magpapatuloy aniya ang Las Piñas sa pakikipagtulungan sa mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang tugunan ang problema sa trapiko at pagbaha sa lungsod ng Las Piñas. (NIÑO ACLAN)