BITBIT ang kanyang ipinagmamalaking adbokasiya para sa agrikultura, tila nagpatutsadang sinabi ni Senator Cynthia Villar na iba ang takbo ng isip ng mga kabataan ngayon kaya’t naglalaban sa pagka-alkalde ng lungsod ng Las Piñas ang kanyang dalawang pamangkin.
Tila ito rin ang dahilankung bakit naging emosyonal ang kanyang paghahain ng certificate of candidacy (COC) bilang kinatawan o kongresista ng Lone District ng Las Piñas.
Napaluha ang matandang babaeng Villar habang iniinterbyu at nabanggit ang pangalan ng kanyang ama — si Dr. Felimon Celestino Aguilar.
Ani Villar, ang ama niya ang nagsimulang pumasok sa politika at nagmahal sa mga Las Piñeros at naglingkod nang tapat, kaya nais niyang ipagpatuloy ang sinimulan ng kanyang ama sa larangan ng paglilingkod bayan.
Inamin ni Villar na hindi alkalde ng Las Piñas ang kaniyang tinakbo dahil ayaw niyang mapabayaan ang mga kapatid na magsasaka dahil isa sa kanyang adbokasiya ang sektor ng agrikultura.
Tiniyak ni Villar, sa kanyang pagbabalik sa mababang kapulungan ng kongreso ay muli siyang magsusulong ng batas para bigyang proteksiyon ang mga magsasaka at mangingisda, ganoon din ang mga mamamayan ng Las Piñas.
Bagama’t hindi umano kilala ang mga karibal sa posisyon, kompiyansa si Villar laban sa mga katunggali.
Bukod sa tagasuporta ay kasama ni Villar na naghain ng kanyang COC ang kanyang kabiyak na si dating Senate President Manuel “Manny” Villar at mga anak na sina Senador Mark Villar at ang tumatakbong senador na si Las Piñas Rep. Camille Villar.
Samantala, tahasang sinabi ni Villar, iba ang panahon o henerasyon ngayon kung kaya’t ito ang nakikita niyang dahilan kung bakit maglalaban ang dalawa niyang pamangkin sa pagka-alkalde ng lungsod. (NIÑO ACLAN)