NAIS ni Senador Win Gatchalian na magkaroon ng mas epektibong pagpapatupad ng libreng wi-fi program ang gobyerno upang matiyak ang pagkakaroon ng internet connectivity sa lahat ng pampublikong lugar sa bansa, kabilang ang mga pampublikong paaralan.
Tinanong ni Gatchalian ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ukol sa kalagayan ng pagpapatupad ng programa noong nagdaang budget briefing ng kagawaran at attached agencies nito. Ang unang target ng DICT ay maglagay ng libreng wi-fi sa 125,000 pampublikong lugar.
Sa kasalukuyan, ang libreng wi-fi program ay sumasaklaw sa 6,700 pampublikong lugar na may tinatayang 13,000 access points.
Ayon kay DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy, ang pagpapalawak ng libreng wi-fi program sa 125,000 pampublikong lugar sa pamamagitan ng subscription ay maaaring hindi sustainable dahil mangangailangan ito ng P58 bilyong pondo kada taon.
Ipinaliwanag ng opisyal ng DICT na pinag-aaralan nila ngayon ang iba pang paraan upang maging cost-efficient ang pagpapatupad ng libreng wi-fi program.
Tinitingnan ng kagawaran ang posibleng kolaborasyon sa mga kompanya ng telekomunikasyon sa pagtukoy ng mga lugar na pagtatayuan ng cell sites, lalo sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).
Upang hikayatin ang pagtatayo ng cell sites sa mga lugar, sasagutin ng gobyerno ang mga pagkalugi ng mga kompanya sa pamamagitan ng pagsagot sa subscription fees, na makatutulong upang mabawi ang kanilang mga gastos.
Halimbawa, maaaring mamahagi ang gobyerno ng mga SIM card at sagutin ang cellphone load sa loob ng hanggang dalawang taon upang matiyak ang subscriptions. Sa ganitong paraan, mapabubuti ang internet penetration sa buong bansa lalo na’t kailangan pang magtayo ng 60,000 cell sites sa buong Filipinas.
Tinataya ng DICT na P5 bilyon ang kakailanganin upang maipatupad ang unang yugto ng kanilang planong libreng wi-fi, na sasaklaw rin sa mga pampublikong paaralan at 300 barangays sa GIDAs.
Ang budgetary requirement na ito, gayonpaman, ay hindi nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) na naisumite na sa Kongreso bago pa magsimula ang mga negosasyon.
Tiniyak ni Gatchalian sa DICT na susuportahan niya ang proposal ng ahensiya ngunit humiling ng karagdagang detalye, kabilang ang mga timeline at target.
“Siyempre, gusto nating makatulong sa pagpapalawak ng libreng wi-fi program. Bilang chairman ng Basic Education Committee, isa sa mga ipinupursige ng komite at ni DepEd Secretary Sonny Angara ay ang education technology o edtech. Alam naman natin na ang isang mahalagang bahagi ng edtech ay connectivity,” sabi ni Gatchalian.
Matatandaang naghain si Gatchalian ng panukalang batas na Digital Transformation in Basic Education Act (Senate Bill No. 383) na naglalayong palakasin ang paggamit ng information and communications technology sa pag-aaral at mag-aatas sa DepEd na gawing digital ang mga workflow. (NIÑO ACLAN)