KOMPIYANSA ang tambalang Manila Mayor Honey Lacuna Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto na kanilang mapagtatagumpayan at maipapanalo ang kanilang re-election sa 2025.
“We will definitely win… We will not engage in mudslinging kasi hindi naman po kami pinalaki ng magulang namin na manira po ng ibang tao.”
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna matapos ang kanyang paghahain ng Certificate of Candidacy kasama si Vice Mayor Yul Servo na kanyang kasabay sa paghahain ng naturang kandidatura sa SM Cinema 12 sa SM Manila.
Kapwa tiniyak ng dalawang lider ng pamahalaang lungsod na sila ay patuloy na magsisilbi sa ilalim ng prinsipyo ng mabuti at tapat na pamamahalang nakasentro sa tunay na paghahatid ng pangunahing serbisyo sa mas kapos-palad at sektor na lubos na nangangailangan lalo ang mga senior citizens.
Matapos maghain ng kanilang COCs, sinamahan nina Lacuna at Servo ang kanilang mga kandidatong konsehal sa iba’t ibang distrito ng Maynila na naghain ng kanilang COCs sa kaparehong araw.
Kabilang sa powerhouse lineup ng Asenso Manileño na naghain ng COCs bilang konsehal ay sina Bong Marzan, kapatid ni dating city administrator Jay Marzan, aspiring Councilor ng ika-apat na Distrito.
Siniguro ni Lacuna na siya at si Servo ay maipagpapatuloy ang centerpiece program ng kanilang administrasyon, gaya ng social amelioration program (SAP) na nagbibigay ng monthly financial assistance sa senior citizens, solo parents, persons and minors with disability, at mga mag-aaral sa dalawang city colleges sa ilalim ng lokal na pamahalaang lungsod.
Nabatid na bago ang pormal na paghahain ng COCs ay pinaunlakan ng tambalang Honey-Yul ang napakaraming supporters na nagpakita ng taos-pusong suporta sa dalawang opisyal ng lungsod.
Mistulang fiesta-atmosphere ang Kartilya ng Katipunan na katabi halos ng Manila City Hall kung saan ang napakaraming supporters na nakasuot ng asul na damit ang nagtipon at nagparamdam ng suporta para sa tambalang Honey-Yul at kanilang partidong Asenso Manileño.
Ang paghahain ng COCs ng tambalang Honey-Yul ay sinamahan ng kanilang slate members at anim na congressional candidates na kinabibilangan ng nagbabalik na first district congressman Manny Lopez at incumbents Rolan Valeriano (2nd district), Joel Chua (3rd district), Edward Maceda (4th district), Irwin Tieng (5th district), at 6th District Cong. Benny Abante.
Ang mga nabanggit na kongresista sa partido ng Asenso Manileño ay re-electionist maliban kay three-term congressman Maceda na ang hahalili ay ang kabiyak na si Dr. Giselle.
Napag-alaman na ang tandem nina Lacuna at Servo ay mayroong buong suporta ng lahat ng miyembro ng majority ng Manila City Council partikular na kanilang partido na Asenso Manileño. (BRIAN BILASANO/BONG SON)