Wednesday , January 29 2025

Umay ka na ba sa korupsiyon?

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

ANG pagiging talamak ng korupsiyon sa mga pinapasok na kontrata ng gobyerno ay isa nang open secret, kaya naman bagamat hindi ito katanggap-tanggap, nakababahala kung paanong nagiging pangkaraniwan na lang ito. Isa ito sa mga bagay na hindi kailanman magiging lehitimo, pero mas pipiliin na lang natin na huwag malaman kung magkano ang ninanakaw mula sa kaban ng bayan.

Marahil, mas gugustohin ng mas marami sa atin na hindi malaman ang mga detalye dahil na rin pagod na tayo sa isyung ‘yan o pupuwedeng sa panghihilakbot, nangangambang lumala lang ang ating pagkadesmaya kapag nalaman natin ang katotohanan. O siguro, sinasadya na lang nating iwasan upang hindi tayo makaramdam ng panlulumo, o kaya ay masaktan, sa tuwing nagbabayad ng buwis.

               Pero mayroong video clip si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na posibleng magpabago sa ating mga isip mula sa pag-iwas sa masakit na realidad. Isa iyong “lecture” na pareho ng inilahad niya bilang panauhing pandangal at tagapagsalita sa Lions International Multiple District Convention na idinaos sa lungsod nitong nakaraang Mayo ngayong taon.

Sa video, deretsahang ibinulgar ni Magalong ang nakawiwindang na breakdown ng pondo ng mga proyekto ng gobyerno, na hanggang 70% ang kinukupit ng mga politiko, ahensiya, at komite bago pa aktuwal na masimulan ang pagawain.

Ganito raw, aniya, ang kupitan: Kinukubra ng mga politiko ang 25-40% ng kabuuang pondo ng proyekto, na karaniwan nang nasa 30%; ang value-added tax (VAT) accounts ay nasa 7%, habang 1% naman sa insurance; ang ahensiyang nangangasiwa sa implementasyon, nasa 10-15% naman ang kupit, o 12% ang average; 2% naman ang mapupunta sa Bids and Awards Committee (BAC); at may 3% pang contingency fund na ibinabawas kapag kukubra ng tseke at para sa gastos sa inspeksiyon at iba pa.

               Sa huli, nasa 30% lang ng orihinal na pondo ang natira para gastusin sa aktuwal na proyekto — hindi sasapat para siguruhin ang kalidad na karapat-dapat para sa publiko. Natameme sa gulat ang mga dumalo sa lecture ni Magalong, na inorganisa ng Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM).

Sa isang iglap, ang korupsiyon na sawang-sawa na tayong marinig ay biglang naging personal — ang pinagpaguran nating pera, ninanakaw nang gano’n-gano’n na lang, sa ngalan ng kunwaring progreso para sa mamamayan.

Dapat nang masawata ang ganitong institutionalized corruption. At bagamat nagpapasalamat ang Firing Line kay Magalong sa pagbubunyag nito sa maliit na bilang ng mga nababahalang Filipino, mas may magagawa ang matitinong opisyal na tulad niya upang maitaguyod ang kapakanan ng publiko.

Ayon sa alkalde, ang impormasyong ito tungkol sa pagkatay sa pondo para sa mga pagawain ay galing sa isang contractor at matagal nang SOP (standard operating procedure) sa mga kontrata ng gobyerno sa iba’t ibang rehiyon.

Panahon nang lumantad ang mga ganitong whistleblowers, bigyan sila ng proteksiyon ng mabubuting opisyal ng gobyerno, at imbestigahan nang may layuning papanagutin ang lahat ng sangkot. Kung hindi ito mangyayari, magmumukha tayong isang bansa ng mga konsintidor sa garapalang pagnanakaw sa pondo ng taumbayan.

Mayroon tayong matitinding batas kontra korupsiyon, mga patakaran sa pinaigting na transparency, at mga kampanya sa pagpapatupad ng pinalakas na checks and balances sa proseso ng bidding. Kailangang paganahin ng gobyerno ang mga mekanismong ito.

Dapat din maging mapagmatyag ang mamamayang tulad natin at igiit sa ating mga lokal na opisyal, silang inihalal natin sa puwesto, na huwag makisangkot sa ganitong garapalang hatian at kupitan na nagsasawalang-bahala sa prinsipyo ng serbisyo publiko at lumalabag, hindi lang sa batas, kundi sa moral obligation nila sa kanilang mga nasasakupan.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Laglag na si Bato, lumalaban pa si Bong Go

SIPATni Mat Vicencio DAPAT tanggapin na ni Senator Bato dela Rosa sa kanyang sarili na …

Firing Line Robert Roque

Sex education

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ANG mga usapan tungkol sa inaasal, maikokonsiderang disente, pagkakasakit, …

Firing Line Robert Roque

Peace o power?

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ANO pa man ang itawag, ang “peace rally” na …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa 100-araw ni Col. Buslig sa QCPD, krimen patuloy sa pagbaba

AKSYON AGADni Almar Danguilan ENERO 11, 2025, ang unang isandaang araw ni PCol. Melecio M …

Dragon Lady Amor Virata

Pulis na private security ng mga kandidato, ipinasisibak

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MGA kandidato sa 2025 elections na may mga banta …