UPANG simulan ang bagong taon ng paaralan, pinangunahan ni Mayor Lani Cayetano ang pamamahagi ng libreng school supplies at uniporme sa mga mag-aaral sa lahat ng pampublikong paaralan sa Taguig.
Simula noong Sabado, 27 Hulyo, nagsimula ang lungsod sa pamamahagi ng kompletong set ng school supplies at uniporme sa higit 190,000 mag-aaral sa 52 paaralan. Ang mga uniporme at supplies ay may mga pinabuting disenyo at materyales, na kinapapalooban ng feedback mula sa mga mag-aaral, magulang, at guro mula sa nakaraang taon ng paaralan.
Upang tiyakin ang maayos na pamamahagi, ibinigay ang mga supplies at uniporme sa bawat adviser ng klase para sa kanilang mga silid-aralan. Nag-introduce rin ang Lungsod ng libreng serbisyo ng alteration sa bawat paaralan upang tiyakin ang tamang pagkakasya ng mga uniporme.
Binigyang-diin ni Mayor Lani Cayetano ang dedikasyon ng lungsod sa edukasyon sa panahon ng pamamahagi.
“Dito sa Lungsod Taguig, mahigit isang dekada na nating ginagawa na tanggalin ang pasanin sa mga magulang sa pagtustos para sa mga gamit ng mga anak. Lagi po naming pinagsusumikapan na hindi maranasan ng mga magulang ang hirap; na maramdaman nila na katuwang nila ang Lungsod Taguig sa pagpapaaral ng kanilang mga anak. Sana po ito’y lagi nating pahalagahan,” ang sabi ni Mayor Lani.
Nagpasalamat ang mga magulang kay Mayor Lani at sa Lungsod ng Taguig sa pinansiyal na ginhawa, lalo na sa taas ng presyo ng mga school supplies.
“Bilang magulang, napakalaking tulong po ito sa amin na makabawas sa gastusin. Hindi po biro ang presyo ng mga bilihin ngayon lalo sa mga school supplies. Sa edukasyon po sa Taguig, simula day care hanggang college, maraming programa si Mayor Lani. Libre lahat. Nawa po’y magpatuloy po ito,” sabi ni Jessa Radazza, ina ni Josh Andrei, papasok na Kinder learner.
Ang pamamahagi ng libreng school supplies at uniporme ay bahagi ng dedikasyon ng Taguig sa edukasyon, na may pinakamataas na budget para sa scholarship sa bansa na P850 milyon. Ang mga paaralan sa Taguig ay sumusunod sa estriktong polisiya ng no collection, na nagtitiyak na mananatiling libre at accessible ang edukasyon sa lahat ng mag-aaral. (NIÑO ACLAN)