NAGPALABAS ng serye ng direktiba si Manila Mayor Honey Lacuna bilang tugon sa mga problemang dala ng patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan dahil sa bagyong ‘Carina’.
Alas-3 palang ng madaling araw ay sinuspinde na ni Lacuna ang klase sa lahat ng antas pati na ang pasok sa pamahalaang lungsod maliban na lamang sa departamento na may kinalaman sa pagbibigay ng mga esensyal na serbisyo, social services, health services, disaster and calamity preparedness and response measures, at iba pang mahahalagang serbisyo.
Pinangunahan din ni Lacuna ang lahat ng concerned city officials nang maglibot sa lungsod simula pa ng madaling araw upang tingnan ang sitwasyon sa mga flood-prone na bahagi ng Maynila, ang paglilikas ng mga pamilyang apektado ng baha lalo na ang mga senior citizens, mga may sakit, gayundin ang ginagawang pagtugon ng lungsod.
Basa sa ulan at lumulusong sa bahay, si Lacuna sa kanyang live post ay bumisita sa mga mga flooded areas, at patuloy na nagpapaalala sa mga Manileño na manatili sa bahay maliban na lamang kung kailangan talagang lumabas. Ipinapakita din ng alkalde sa live post ang mga lugar na lubog sa tubig baha at hindi pwedeng daanan ng sasakyan.
Ayon kay Lacuna ang nasabing suspensyon ng klase ay base sa mungkahi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan dahil sa bagyong ‘Carina’ at ng southwest monsoon.
“These suspensions are aimed at ensuring the safety of all city employees and residents amid the adverse weather conditions. So please, stay home. In the meantime, essential services will continue to operate to ensure that the needs of Manileños are met during this challenging time,” pagtitiyak ng alkalde.
Ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office sa pamumuno ni Arnel Angeles, social welfare department sa ilalim ni Re Fugoso, Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Arnold Pangan at ang lahat ng city-run hospitals sa anim na distrito ng Maynila ay pinakikilos na bunga na rin ng kinakaharap na sitwasyon.
Samantala ay itinalaga ang lahat ng mga paaralan bilang pansamantalang evacuation sites ng mga apektado ng tuloy-tuloy na malakas na pagbuhos ng ulan.
Ang lahat naman hospitals sa lungsod ay inilagay sa code white, at naghanda na ng mga gamot para prophylaxis laban sa leptospirosis. (BONG SON)